CONSUMMATUM EST

Alpas
by: Laso & Bandos
“Ang sabi mo ay inosente ka. Kung ganoon, ibig mo bang sabihin ay gumagawa lamang ng kwento si Ms. Perez?” nanlilisik ang mga matang tanong ng taga-usig.
Hindi na ako mapakali sa aking kinauupuan dahil nagiiba na ang takbo ng kaso. Nararamdaman ko na tila mas bumababa na ang tyansa ng pagkapanalo sa aming panig.
“Objection, Your Honor. Leading questions,” agaran kong sambit.
“Overruled,” pagsasawalang bahalang tugon ng tagahukom.
“Hindi naman po sa ganoon. Pero wala po talaga akong kinalaman sa drogang iyan at ni minsan ay hindi po ako gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Wala rin naman po akong pera kung ipambibili ko pa po ng ganoon,” makikita sa kilos at pananalita ng aking kliyente na kinakabahan siya.
​
“Pero sabi ng mga kasamahan mo sa bahay ng mga Perez, minsan daw ay para bang lagi kang galit at may kung anu anong sinasabi. Tila ba wala ka na raw sa iyong sarili.”
“Objection! Hearsay.”
“Objection overruled,” tugon ng tagahukom. Hindi ko na alam kung pang-ilang beses nang binabalewala ang aking mga tutol sa mga tanong ng taga-usig. Ang kabado kong kliyente kanina ay halos nawawalan nang pag-asa. Marahil ay nararamdaman niya na ang lumiliit nga niyang tyansa.
“Kaya tatanungin ulit kita. Sigurado ka bang matino ka? What I mean is gumamit ka ba o hindi ng ipinagbabawal na gamot nang gabi ng Hunyo na pumasok ka sa kwarto ni Ms. Perez?” ramdam ko ang tinatagong ngisi ng taga-usig na tila ba alam niyang nasa panig niya ngayon ang tagahukom.
Ganito na naman ba ang katatakbuhan ng kaso kong ito? Mga inosente laban sa mapera. Sumaglit ako ng tingin sa pamilya ng aking kliyente at makikita ang nangingilid na luha ng kanyang asawa habang buhat-buhat ang kanilang mumunting supling.
​
“Objection. At p*tangin* bakit sa lahat na lamang ng pagtutol ko ay hindi mo man lang pinakinggan? Kita mo namang mali na ang klase ng pagtatanong niya pero hinahayaan mo’t tila ba binibigyan mo nang hatol ang kliyente ko. Ano? Gaano kalaki ba ang binayad sa’yo at handa kang magtanggal ng karapatan ng tao sa hustisya?” maririnig mo ngayon ang lakas ng katahimikang bumabalot sa loob ng kwartong ito dahil sa aking sinigaw.
Napasulyap sa akin ang tagahukom at ramdam ko ang mga malalamig na tingin na tila ba hinuhusgahan na ang aking buong pagkatao.
“Mr. Elizalde, are you really an attorney? If yes, then, you should know what will be the consequences of your behavior. Kung ipagpapatuloy mo ‘yan, paano mo maipapanalo ang kasong ito? If so, you should be aware of the repercussions of continuing your behavior. Let’s just reschedule the trial for Perez v. Dela Cruz. Thank you, Jury, for your service today. The court is adjourne,” kasabay nito ang pag-alis ng husgado.
​
Sa pagpapatuloy ng kaso ang mga sumunod na paglilitis ay naging mitsa ng pagkawala mismo ng aming pag-asa. Hanggang ngayon ay kay sakit pa ring tingnan o isipin ang sistema ng paglilitis sa ating bansa. Basta may pera ay kaya mong ipasa ang kasalanan sa mga walang kamuwang-muwang na nagseserbisyo lamang para sayo.
“Isa pa ngang bote ng beer,” sambit ko sa serbidor na napadaan habang iniisip pa rin ang mga kaso na aking nahawakan. “Halos lahat ay iisa ang kinahinatnan. Talo,” ibinulong ko sa aking sarili.
Halos walang magawa ang mga napagbintangan dahil sa liit ng kanilang mga kinikita kaya hirap din silang makapagpiyansa. Ang mga naiwang asawa ay hindi mapigilang umiyak na lamang at isipin kung paano nila maitataguyod ang pang araw-araw na buhay lalo na’t may mga anak pa ang ilang kailangang isipin.
“Bakit ka ba kasi nagwala roon sa loob ng korte? Alam mo namang mali, sana pinakalma mo na ang sarili mo at kinagat ‘yang dila mo. Lalo lang tuloy nagkaroon ng tyansa ‘yang si Alba na pagtakpan ang anak ni Mayor kahit pa halos alam naman ng lahat na ‘yong anak niya ang nagamit ng drugs,” hindi na mapigilang isatinig ng aking kaibigan habang hawak-hawak ang bote ng beer na halos nasa kalahati na lang ang laman.
​
“Malaya. Malaya raw tayo,” mapang-uyam kong bulong sa sarili kaya napatingin na lamang sa akin ang taong nasa harapan ko na siya na ngang umubos ng pulutan. Kung sa ibang panahon ay akin itong sisilipin subalit nasa iba ang atensyon ko ngayong gabi.
Hindi nila alam na nakalaya man tayo sa pananakop ng mga dayuhan ay nakakulong naman tayo sa basurang sistema ng pamamahala. Ang iba ay bulag, nagpapakasasa sa payapa kuno na kinalalagyan nila. Pero ang karamihan? Mga namulat na ang mata at hindi na makapikit pa kaya mga nagbubulag-bulagan na lamang. May ilang pera lang ang katapat para iiwas ang mga tingin na nakakakita nang katotohanan.
“Totoo, ito na nga ba ang kalayaang ipinaglaban niya,” sabay turo ko sa aklat kong may imahe ni Rizal. “Tanggapin ‘man nila o hindi, ang Pilipino ay mga alipin pa rin. Ang pagkakaiba lamang naman nito sa noon, dati, banyaga ang umalipin. Ngayon, mismong kapwa Pilipino na. Kaya maganda ring ideya na mangibang bansa tayo,” pagsang-ayon ng aking kaibigan.
​
“Mangibang bansa, para tumakas? Pare, bansa natin ‘to. Oo, mangingibang bansa, pero gagawin natin ‘yun, para mag-uwi ng mga istratehiya o ideyang makapagpapabuti para sa Pilipinas.”
“Alam mo, bata pa lamang tayo, ganyan ka na mag-isip. Magpapakabayani ka ba? Ginoong Elizalde?” Pangungutya nito sa akin.
Tila naparami ang aking nainom kung kaya’t nakaramdam ako na kailangan kong pumunta sa palikuran. Ngunit sa aking pagpunta roon, napakahaba ng pila. Napagpasyahan ko tuloy na sa karatig nitong lugar na lamang umihi. Liblib at mapuno naman kung kaya’t sigurado akong walang makakakita sa akin.
Nang ako’y natapos, isang tinig ang aking naulinigan mula sa dulo nito. Nang aking silipin, namataan ko ang isang animo’y kwebang tila ba’y matagal nang itinatago sa paningin ng iba. Pero isang palaisipan kung ano ang meron sa madilim na lugar na ito kung kaya't ganoon na lang ang mga harang na parang pinipigilan ang lahat ng mga nagnanais makapasok.
​
Ako’y hindi pa lubusang hulas kung kaya’t nakabuo ako nang lakas ng loob na sipatin ito. Sa patuloy na paglakas ng tinig, hindi ko na namalayang tuluyan na pala akong inakit nito sa loob. Pinahinto ako nito sa harap ng isang salamin na ‘sing tangkad ng mga bus sa siyudad. Hindi ito pangkaraniwan kung kaya’t inilapit ko ang aking mukha upang usisaing maigi kung anong mayroon dito.
“¿Español? ¿Hablas español? no, filipino? ¿Indio? Isa kang Indio, tama?” (Espanyol? Nagsasalita ka ba ng wikang Espanyol? Hindi, Filipino? Indio? Isa kang Indio, tama?) Isang tinig ng pag-uusisa sa akin ng isang lalaking tila larawan ng isang tunay na Juan Dela Cruz, pilipinong pilipino. Hindi man maputi pero hindi rin ganoon kaitiman. Pero nakapagtataka lang na tila ba hindi man lang siya binabanas sa suot niyang Amerikana.
Higit sa lahat bakit ang Espanyol na lenggwaheng kanyang binanggit ay aking naintindihan? Nakapagtataka lang na sa bawat salita na bumubuo sa kanyang mga tanong ay narehistro agad ng aking utak, na para bang minsan ko na ring naging wika at hindi na bago sa aking dila. Ang kanyang pamilyar na malamisteryong itim na mga mata. Sino ba ang taong ito?
​
"Pilipino ba ang ibig mong sabihin? Ako ay naguluhan dahil matagal na nang huling ginamit ang salitang Indio bilang pagkakakilanlan nating mga nakatira sa Pilipinas," aking naging tugon habang siya'y patuloy akong pinagmamasdan mula ulo hanggang paa. Ang kanyang malilikot na mata ay mas nagtagal sa aking kasuotan lalo na sa hawak kong selpon na tanging nagbibigay liwanag sa aming dalawa.
"Isa ba 'yang lampara? Subalit bakit tila hugis parisukat?"
Matagal na ba siyang nakakulong dito sa malaking salamin kaya kahit ang selpon na kinaadikan ng lahat ay hindi niya alam?
"Sira ka ba? Cellphone 'to. Hindi ka man lang ba nausuhan nito? Pero bakit ba parang nakakulong ka riyan sa likod ng salamin?"
Mababakas sa mukha ng lalaking nasa loob ng salamin ang labis na pagtataka, lalo na sa aking huling nabanggit.
​
"Hindi ka ba nagkakamali, Ginoo? Hindi ba't ikaw ang siyang nakakulong sa loob ng salamin? Teka, anong petsa na ba ngayon?"
"Bale, siguro ay baka June 20? Ah! Oo, 20 nga at kahapon ang birthday ng ating pambansang bayani," tanda ko pa kung gaano katrapik sa may Banga malapit sa bahay ni Rizal dahil nga't piyesta. Buhayani kung tawagin. Buhay daw kasi ang bayani.
"Tama ba ako? Ika-20 ng Hunyo? Sa aking pagkakaalala ay bago ako makatuntong sa kwadrang ito ay nakalipas na ang ilang araw. At kung susumahin ay ilang buwan ko na ring hindi nasisilayan ang aking pamilya."
"Oo. Basta June ngayon ng 2022. Sigurado ako sa buwan at taon."
"Paano nangyaring ika'y aking nakakasalamuha ngayon? Hindi ka ba nagbibiro, lalo na't kung aking papansinin ang iyong kasuotan at pananalita, ikaw ay nanggaling sa hinaharap. Kung gayon ay tama ako't makalalaya nga ang Pilipinas."
"Teka nga, ano bang petsa na riyan?"
"Disyembre na ngayon.Taong 1896."
​
"Anong araw? Dahil alam mo ba, ayan ang buwan at taon na papatayin na si Rizal."
"Tama ka. Isang araw na lamang mula ngayon, matapos akong dakpin, ay magaganap na ang hinahangad ng mga Kastila na ako ay paslangin dahil sa kanilang inihatol na kasong rebelyon," kasabay ng kaniyang pag-amin ay ang kaniyang pagbalik sa upuan. Ang nakalatag na pluma ay ginamit at tila ba may isinusulat.
"Pero kung ikaw nga talaga si J. Rizal, maaari mo ba kaming bigyan ng kasagutan tungkol sa mga kwestiyong bumabagabag pa rin sa ating lipunan hanggang ngayon?"
Nakita ko ang saglit niyang pagtigil sa pagsusulat, na naghudyat sa akin upang ipagpatuloy ang aking mga katanungan.
"Ito ha, maaari mo bang sagutin kung nagretrak ka ba talaga? Pinakasalan mo ba talaga si Josephine? Bakla ka ba talaga o marahil ay isang espiya? Saka, ano ba talaga ang nilalaman ng iyong huling liham?" halos maubusan na ako ng hininga dahil sa sunod sunod kong katanungan.
​
Dito ay itinigil na ni Rizal ang pagsusulat at muling lumapit sa salaming humaharang sa aming dalawa.
"Nakalaya na ba ang Pilipinas?" ang kaninang mga malamisteryong mata ay unti-unti mong kakikitaan ng emosyon.
"Kung sa paglaya mula sa mga mananakop ay oo. Mula sa mga Kastila, Amerikano, at Hapon," akin pa sanang dudugtungan ang aking sasabihin ngunit naputol din agad sa sagot ni Rizal.
"Kung ganoon ay mas mapapanatag na ang aking kalooban. Sana lamang ay hindi niyo ako tuluyang makalimutan," huminga nang malalim ang lalaking nasa loob ng salamin at muling iniharap ang kanyang likod sa akin.
Nang marinig ko ang kanyang tugon at masilayan ang liwanag sa kanyang mukha ay mas pinili ko na lang ding manahimik. Sa kung paano ngang nakalaya ang Pilipinas kung ang depinisyon ng kalayaan ay pagkakaalpas mula sa mga kamay ng mananakop. Kung tutuusin, mayroon ng sariling kultura, wika, o pagkakakilanlan ang mga Pilipino matapos ang pananakop. Ngunit sabihin man nating nakalaya na ang mga Pilipino ay hindi man lang nakalaya ang Pilipinas sa kamangmangan ng kanyang mamamayan.
​
"Pero maaari mo na bang sagutin ang aking mga katanungan?" halos lumalabo na rin ang aking paningin at papikit-pikit ang mga mata. Isa ito sa mga epekto ng beer sa akin - ang kaantukan.
"Hindi," siya'y muling lumapit sa kanyang lamesa at kinuha ang isang pirasong papel.
"Ano 'yan? Ayan na ba 'yong huli mong isinulat? 'Yong may ultimo ba 'yon? Maari ko bang masilip? Kuhanan ko na rin ng litrato, kung mamarapatin mo," umaalon na ang aking paningin pero nauulinigan ko pa rin ang bawat salita nang malinaw.
"Mi Ultimo Adios," kanyang itinapat sa salamin ang huling liham kasabay ang mumunting tango na nagpapahiwatig ng pagsang-ayon.
Agaran kong kinuha ang aking selpon at kinuhanan ng larawan ang papel na nasa salamin. Naku! Halos low battery na rin pala ito.
"Sabi mo pala kanina ay hindi. Hindi saan? Iyon ba ang sagot mo sa mga katanungan ko? Kung oo, alin doon?" tanong ko habang sinisilip ang oras.
​
"Joe! Sabi mo iihi ka lang. Tara na! Joeee! Elizalde! Kanina pa ako pinapapak ng lamok dine," narinig kong sigaw ng aking kaibigan mula sa labas ng kweba.
Aking muling ibinaling ang paningin sa salamin upang alamin ang mga kasagutan. Bago tuluyang magpaalam ay aking naaninag ang madungis kong kasuotan. Nawala na ang lalaki sa salamin na nagpakilala bilang pambansang bayani.
Nang napadako ang aking paningin sa aking mga mata ay nakaramdam na naman ako ng pagkapamilyar. Ang kulay itim at malamisteryong mata. Ang hirap naman makarating sa exciting part na lasing.
“Ah, talagang sinusubukan mo ko ha. Hoy, Jose!”
"Ingay mo naman. Lamok na nga lang napatol sa iyo, ayaw mo pa? Tara na nga!" Nagkakamot ulo kong pang-aasar sa kaniya habang nangunguna na rin sa pagbalik sa kotse.
Bago pa man mapaandar ng aking kaibigan ang kaniyang sasakyan ay iniabot niya sa akin ang librong aking dala-dala magmula pa kanina. Libro ito tungkol kay Rizal na aking pinagkatitigan.
​
Nagising ang aking diwa nang mabatid kung saan nga ba nakita ang pamilyar na mga mata. Agad ko ring naalala ang mga nangyari kanina sa loob ng kweba.
"Zeke, tingnan mo ito. Hindi ka maniniwala pero makinig ka. Kanina may nakita akong lalaki sa kweba. Basta! Si Rizal daw siya. Tapos may picture pa nga ako nang palaisipang huling liham niya," sambit ko habang kinakalikot ang aking selpon.
"Tigilan mo ako, Jose. Lasing ka lang, " tugon niya at pinatunog na ang makina.
"Ito, tingnan mo itong huling kuha ko," habang inginungudngod ang hawak ko sa kanyang pagmumukha.
"B*bo ka ba? Anong makikita ko riyan? Ha? Blurred naman 'yan eh. Ewan ko sa iyo."
​
Nagulat ako sa sagot niya kaya sinilip ko rin ang aking selpon at ganoon na lang ang aking pagkagulat at pagkadismaya sa nakita. Blurred nga. Awit naman, tsong. Saklap naman malabo na nga ang naging picture, dead battery pa.
Napapikit na lang ako at napasandal sa aking kinauupuan. Pinakalma ko ang aking sarili at nag isip-isip. Totoo man o imahinasyon lamang ng aking kalasingan ang nangyari kanina ay halos marami rin akong natutunan.
Hindi talaga sagot ang kahit anong dahas at mga 'di kaaya-ayang salita upang maipanalo ang nais mong ipaglaban. Kaya mo palang manindigan at isakatuparan ang sarili mong depinisyon ng kalayaan sa kalmado at tamang paraan.
​