CONSUMMATUM EST

Ang Kabalyero
by: Demetrio Jaimes & CelesteChö
Araw ng Linggo at sumisingkad ang sikat ng araw. Isang binata ang nakasakay sa isang mamahaling sasakyan habang nakasuot ng magarang kasuotan. Ang binatang ito ay kakikitaan ng kakisigan at karangyaan, maitim ang kanyang buhok at mukang may lahi ang datingan. Ito ay si Ginoong Felipe, isang binatang mula sa isang mayamang pamilya sa Maynila.
Ngayon ang araw ng pagluwas niya sa bayan ng Laguna. Dito ay hindi na niya nahintay pang umuwi kasama ang kanyang mga magulang kaya umuna na siya sa mga ito. Nagpunta ito sa probinsya upang bumisita sa pamilya ng kanyang inang kilalang kilala sa bayang iyon sapagkat balwarte nila ang Laguna.
"Anong klaseng saya kaya ang mararanasan ko sa aking muling pag-uwi?" tanong ng binata sa kanyang sarili. Habang nasa byahe ay may ilang mga katanungan pa siya para sa kanyang sarili at tila nasasabik na ginugunita ang mga ito.
Sa ilang taon niyang hindi pag-uwi ay marami na siyang nakaligdaan tulad na lamang ng mga pinsang naglakihan at ilang mga lugar na nagbago na. Isa siya sa mga saksi kung gaano kaganda ang bayan ng Laguna lalong kung gaano kabait ang mga tao rito pati na rin ang mga bagay na nabibili sa lugar nila at mga pasyalan na siyang masarap balikan.
“Senyorito Felipe, narito na po tayo sa tahanan ng iyong Lolo at Lola,” sambit ng drayber niya.
Pagkasabi ay nakita ni Felipe ang pagtakbo ng ilan niyang mga pinsan upang salubungin siya at bigyan ng isang yakap.
“Mabuti naman at naisipan mong bumisita ulit Felipe,” bati sa kanya ni Senyora Amancio. “Napansin ko lamang iho, nasaan ang iyong magulang at mukhang ikaw lamang ang naparito,” tanong ng ginang habang hinahanap kung mayroon pa ba itong kasama.
“Naku, Lola nauna na po akong maparito, bukas pa raw po ang luwas nina Inang,” paliwanag ni Felipe kay Senyora Amancio.
“Kung ganoon ay mabuti at abot pa sila sa kasiyahan sa Martes,” banggit ng kanyang Lola.
“Lola, ano pong mayroon sa Martes?” tanong niya sapagkat wala siyang ideya sa anong ganap sa nasabing araw ng ginang. Wala namang nabanggit sa akin sina inang kung anong okasyon. Hindi nya maiwasang magtaka sapagkat walang nasabi ang kanyang magulang tungkol sa isang mahalagang okasyon.
“Hindi ba nasabi sa iyo ni Tereza? May malaking salu-salo sa Martes bilang pasasalamat sa mga mamamayan ng ating bayan. Sobrang daming naani ngayon at sobrang sipag din ng ating mga tauhan. Ang okasyon sa Martes ay para sa kanila. Handog ng aming iyong Lola bilang pasasalamat sa mga mamamayan lalo na sa mga magsasaka at trabahador ng probinsya natin,” lumiwanag ang mukha ni Felipe noong nakita niya ang kanyang Lolo at nagsalita ng tungkol sa magaganap na okasyon.
“Lolo, mabuti at narito ka para salubungin ako, paumanhin at hindi ako nakapagdala ng kahit na ano ngayon. Dala po kasi nina Inang ang mga pasalubong at nauna lamang ako sa pagluwas galing Maynila,” sambit ni Felipe na noo’y magiliw na nagpapaliwanag.
“Ayos lamang naman iyon ‘nak, ang mahalaga ay maayos ka na nakarating, halika at ikwento mo naman sa akin kung gaano kaganda ang Maynila,” aya sa kanya ng matandang Lazaro.
Pagkatapos ipasok ang mga gamit ni Felipe ay nagtungo sila sa may sala para magkwentuhan ng tungkol sa kaniyang naging buhay sa Maynila. Sobrang saya nito habang nagsasalita habang magiliw naman na nakikinig ang mga kaanak.
“Kuya, hindi ba maganda ang mga pasyalan sa Maynila? Balita ko mas marami ang tao doon at maraming unibersidad na pwedeng pasukan,” tanong sa kanya ng pinsan nya na limang taon lamang ang agwat sa kanya. Tumango naman si Felipe bilang pagsang-ayon sa pinsan. “Hayaan mo kung sakaling maisip mo na sa Maynila mag-aral ay sabihan mo ako para masamahan kita,” wika ni Felipe.
Habang nag-uusap sila ay siyang dating naman ng isang mag-asawa sa mansyon kasama ang isang dalaga, sila sina Juanco at Emelia. Ang kanilang anak naman ay si Gregoria na mas kilala bilang dalagang mahiyain at hindi gaanong lumalabas ng kanilang bahay. Ito ay maganda at hindi maikakailang maraming nahuhumaling na ginoo. Ang pamilya nila ay may kaya lamang ngunit masipag ang magulang ni Gregoria kaya ‘di hamak na kilala ang pamilya nila sa bayan ng Laguna.
Saktong pagbaba ni Senyor Lorenzo ay nakita niya ang mag-asawa kung kaya’t binati niya ito matapos ay tinanong kung ano ang pakay sa kanilang pagdaan sa mansyon.
“Senyora, nais lamang po naming ibigay ito sa inyo, masyado naman po kaming madami kung isasama namin ang mga tao sa ating bayan kaya kami na lamang po ang pinapunta nila para magpresinta ng regalo namin. Kaunting handog lamang Senyor bilang pasasalamat para sa magaganap na kasiyahan at sa pagtitiwala,” inabot ni Ginoong Juanco ang basket ng mga prutas at ilang kakanin sa kausap.
“Naku, salamat at nag-abala pa kayo tsaka kami dapat ang magpasalamat sa inyo kasi kung hindi dahil sa inyo ay hindi uusbong ang ating bayan. Ikinagagalak kong ingatan ang mga mamamayan na aking pinamumunuan, kayo ay parte ng responsibilidad ko kaya maraming salamat din sa inyong tiwala at suporta,” malaki ang ngiti ng Senyor habang nagpapasalamat sa mag-asawa.
“Maliit pong bagay, buo po ang tiwala namin sa inyong pamilya Mayor, kung ganoon Senyor ay aalis na po muna kami, may aasikasuhin lang po sa bukiran,” pagpapaalam ng mag-asawa sa alkalde.
“Sige Mang Juanco, mag-iingat po kayo at paabot na lamang din ng aking pasasalamat sa lahat.”
Umalis ang pamilya nina Juanco sa bahay ng Senyor at ibinalita kung gaano kasaya ang Senyor sa handog nila. “Ipinapaalam din ng Senyor na maghanda ang lahat sa Martes at masaya ang magaganap na salu-salo, balita ko ay umuwi ang unang apo na lalaki nila galing Maynila,” ani Ginang Emelia.
“Manang Emelia, may itsura ho ba?” tanong ng isang dalagang kanina pa nakikinig sa kanilang usapan.
“Naku, ay hindi nga namin nasilayan ang ginoo, wari ko’y nagpapahinga o kasama ng mga pinsan niya at saka madali lamang kami sa bahay ng Senyor kasi ayaw din naming maka-istorbo,” tumango lamang ang dalaga sa naging sagot ng ginang habang ang ibang kababaihan ay hindi mapakali at puno ng galak habang laman ng kanilang usapan ang nasabing ginoo na apo ng Mayor. Iniisip nila kung gaano ito kagandang lalaki, kung mabait ba ito at matalino, o kung ang ginoo ba ay hindi masyadong lumalapit sa mga tao. Naging usapan din ng mga dalagita kung anong suot ang kanilang gagamitin para sa party nang sa gayon ay maaya sila ng ginoong isayaw.
Habang ang ibang dalaga ay problemado sa mga kasuotan at kung paano mapapa-ibig ang ginoo, si Gregoria naman ay abala sa pagtulong sa kanyang ina. Nais din nitong makisali sa mga kaibigan ngunit nangako siya sa nanay nya na magiging katulong siya nito ngayong araw.
Kinabukasan ding yaon ay naglalakad si Gregoria pauwi galing sa palengke. Umaga pa lamang ay gising na ang binibini upang bumili ng mga sangkap sa pagluluto at ilang bagay na kailangan nila sa bahay. Habang pauwi ay nakatingin lamang ito sa paligid na tila ba pinagmamasdan ang ganda ng lugar nila ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay may isang binata ang katulad niya ay hindi rin nakatingin sa dinadaanan. Hindi maiwasan na magkabunggo ang kanilang balikat.
“Paumanhin po Ginoo, hindi ko po sinasadya na mabunggo kayo,” paghingi ni Gregoria ng paumanhin habang pinupulot ang mga prutas na nahulog mula sa supot na dala-dala niya.
“Paumanhin din binibini tila ako ay wala sa sarili at hindi ko napansin ang daan at mga tao sa aking paligid,” napatingin si Felipe sa babae na nasa harap niya. “Hayaan mo sana akong tulungan ka,” agad na umupo ang ginoo para tulungan ang dalaga at hindi nito maiwasan na hindi tumingin sa mukha ng dalaga na kaharap niya. Agad siyang nabighani dito kung kaya ganon na lamang ang pagtitig ni Felipe kay Gregoria habang ang dalaga naman ay patuloy pa rin sa paglimot ng mga nahulog na pinamili niya.
Nang matapos at nakatayo silang pareho nang maayos ay nagpasalamat si Gregoria kay Felipe at muling nagpaalam. Hindi naman agad nakaalis si Felipe at nakatingin lamang ito sa likod ng dalaga na naglalakad palayo sa kanya.
Tila kay ganda ng aking umaga, ano kaya ang ngalan niya, isip niya sa sarili sapagkat siya ay tila nabighani sa kagandahan ng dalaga na si Gregoria.
Araw ng Martes
Ang lahat ay abala ngayong araw sapagkat ang kasiyahan ay gaganapin mismo sa mansyon ng Mayor, ang lahat ay nakabihis nang maganda at presentable ang mga itsura. May dala rin silang pagkain na ihahandog sa mga Senyor. Ang mga kababaihan ay kanya kanyang pagandahan sa kanilang mga baro't saya at nagpapaligsahan kung sino ang mauunang mapansin ng ginoo. Ang lahat din ay may kuryosidad kung ano ang itsura ng lalaki.
Habang lumilipas ang oras ay padami nang padami ang mga dumarating. Dumating ang oras ng pagbaba nina Senyor Lorenzo kasama ang kanyang may bahay na si Senyora Amancio kasama na rin ang kanilang pamilya.
Ipinakilala ni Senyor ang miyembro ng kanyang pamilya. Marami ang nahumaling sa taglay na kakisigan ni Ginoong Felipe lalo na ang mga kababaihan na dumalo sa kasiyahan. Malayo naman ang tingin ni Felipe at tila may hinahanap sa gitna ng karamihan ng tao at tila nabigo nang hindi makita ang hinahanap.
Tila nagbago ang timpla ng ginoo at hindi ito masyadong nakihalubilo sa mga tao at abala lamang ito sa pakikipag-usap sa kanyang mga pinsan at kaibigan.
“Paumanhin Senyor Lorenzo kung medyo nahuli kami ng dating may inasikaso pa po kasi ang aking asawa at anak sa bahay,” narinig ni Felipe ang isang matandang lalaki na halos malapit lang ang edad sa kanyang ama. Dumako naman ang paningin niya sa dalagang kasama ng mag-asawa.
Siya nga! Natuwa si Felipe nang makita ang binibini na nakita niya rin kahapon.
Akala ko hindi na siya dadalo, kay ganda talaga niya sana ay malaman ko kung ano ang pangalan niya.
Isip ng ginoo sa kanyang sarili habang nakatitig kay Gregoria na may kaunting ngiti sa labi at nakikipag-usap sa Senyor. Tila kilala siya ni Lolo ani Felipe sa kanyang sarili.
Nakasunod lamang ang paningin ni Felipe sa dalaga. Hindi nito pinapansin ang ibang babae na gusto siyang makasayaw sa gabing iyon sapagkat pokus lamang ang atensyon ng ginoo sa binibini na nakabihag ng kanyang pagtingin. Tila napa-ibig siya nito sa unang tingin lamang.
Tila kay ganda na rin ng aking gabi at mga susunod pa na araw, binibini ano ba ang iyong ngalan? Tanong ni Felipe sa kanyang sarili. Patuloy pa rin ang pagsulyap ng ginoo sa dalaga habang kausap ang kanyang Lolo at Lola na siyang napansin naman ng mag-asawa kung kaya…
“Bakit hindi mo iho subukan na isayaw,” panunukso ni Senyor Lorenzo sa kanyang apo na ikinagulat naman ni Felipe sapagkat tila may ideya na sila kung sino ang kanina pa niya sinisilayan ng tingin.
“Lolo, maaari ko po bang malaman ang kanyang pangalan? Pakiramdam ko ay bumibilis ang tibok ng aking dibdib sa kaba kapag kaharap ko siya. Hindi po ako mapakali at nababahala ako na baka hindi niya ako pansinin,” paliwanag nito sa Lolo.
“Wari ko ay napukaw ng binibining iyon ang atensyon ng aking apo, tama ba aking mahal?” tumingin si Senyor Lorenzo sa asawa at tumango naman ito bilang sagot.
“Napakaganda at napakabuti ng kalooban ng batang iyan. Siya si Gregoria, masipag at magalang,” may kasamang panunukso ang tono ni Senyora Amancio na nilagyan ng kaunting diin ang pagbanggit sa pangalan ni Gregoria habang ang tingin ay tila nang-uukit sa apo.
Gregoria. Ang ganda ng iyong pangalan, kasing ganda mo binibini.
Matapos ang pag-uusap nila ay pinilit ni Senyora Amancio ang apo na ayain si Gregoria sa pagsayaw bago matapos ang gabi na siyang sinang-ayunan ni Felipe. Lumapit ito sa dalaga at naglakas loob na tanungin. Marami ang mga nainggit at nagulat sa biglaang imbitasyon ng kanina pang tahimik na si Felipe at halos sa mga kaibigan at pamilya lamang nakikipulong. Hindi malaman ni Gregoria ang gagawin at napansin ang mga matang nanonood sa kung anong isasagot nito sa imbitasyon ng ginoo sa harap niya. Hindi naglao’y tinanggap din ni Gregoria ang nakalahad na kamay ng binata.
Pakiramdam ni Gregoria ay tila bumagal ang takbo ng oras sa paligid nilang dalawa ng kasayaw. Hindi nito maiwasan na titigan ang mukha ng ginoo at hangaan ang taglay nitong kagwapuhan.
Binalak ni Felipe na mas kilalanin si Gregoria. Nagtanong-tanong ito sa mga taong malalapit sa dalaga upang mas makilala nang lubos si Gregoria. Kung minsan ay sadyang pumupunta ang binata sa bukid kung saan laging makikita ang dalaga na tumutulong sa ibang kababaihan. Tila may ideya na ang lahat kung bakit napapadalas ang bisita ng unang apong lalaki ng Mayor sa lugar nila. Hindi na rin bago sa kanila na baka nga may pagtingin na si Felipe sa binibining ilang kalalakihan din naman ang humahanga.
Pagkalipas ng mga sumunod na araw ay naging pursigido si Felipe at nagtapat ito ng kanyang damdamin. Nagdalawang-isip si Gregoria sa kanyang isasagot sapagkat batid nito ang agwat sa kanilang estado ng pamumuhay. Maingat at may halong kalungkutan ang pagtanggi ni Gregoria kay Felipe ngunit hindi ito naging hadlang para sa binata sapagkat pinatunayan nito na malinis at totoo ang pakay niya sa binibini.
Hindi naglaon ay patuloy na silang nagkikita nang palihim, may mga pagkakataong lihim silang nagsusulyapan tuwing magkasama sa iisang lugar habang hindi pinapahalata sa ibang tao. Mas lalong nagkamabutihan ang dalawa na siyang pag-amin din ni Gregoria sa tunay niyang nararamdaman para kay Felipe. Naging masaya ang binata ngunit pinaki-usapan ito ng dalaga kung maaari ay gawing pribado ang kanilang relasyon sapagkat ayon sa dalaga ay hindi niya alam kung paano ito babanggitin sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang ina na siyang naunawaan ni Felipe.
Nagtataka man ay ipinagwalang bahala ni Senyora Amancio ang pamamalagi ng kanyang apo sa bayan ng Laguna. Napapansin na rin ng ilan ang tila lihim na palitan ng tingin ng dalawa hanggang sa umabot ito sa nanay ni Gregoria.
“Anak ikaw nga ay magtapat sa akin, may namamagitan ba sa inyo ni Ginoong Felipe? Wag mo sanang mamasamain ngunit napapansin ko lamang na medyo nalalapit na ang loob niyo sa isa’t isa,” puna ng ina ni Gregoria. Hindi agad nakasalita ang binibini sa naturan ng kanyang ina. “Walang masama sa umibig anak ngunit maaari bang iba na lang? Ang agwat sa estado ninyo ng Ginoo ay sobrang layo Gregoria. Hindi mo man aminin ngunit batid mo na totoo ang aking mga sinasabi. Hindi ko kaya na sa bandang huli ikaw ang kawawa at talo.”
Sa sinabi ni Emelia ay napaisip si Gregoria at napagtanto na tama ang ina. Malayo ang agwat ng pamilya nilang dalawa. Ang mayaman ay para sa mayaman at ang isang kagaya niya ay bagay lamang sa isang kagaya rin niya. May lahi rin ang lalaki at mataas ang posisyon ng pamilya nito sa lugar nila, kung malalaman ng lahat na sa isang babaeng katulad niya ito sasama ay baka mapasama pa ang pangalan ng minamahal niya.
Pagkatapos ng pagpupulong nila ay nakatanggap si Gregoria ng paanyaya mula kay Felipe.
Magkita tayo aking binibini sa ating tagpuan, batid kong masisiyahan ka sa aking sasabihin.
-Felipe
Kinabahan ito sa magaganap ngunit hindi niya ito binigyang-pansin at nagpatuloy sa gawain. Pagkalipas ng ilang oras ay naghanda ito upang puntahan ang ginoo sa kanilang tagpuan kung saan lagi silang nagkikita. Dala ang isang maliit na lampara ay maingat itong pumuslit palabas sa kanilang tahanan.
Sa oras na nasilayan ni Felipe ang parating na si Gregoria ay niyakap niya ito nang mahigpit.
“Ano ang iyong nais at gusto mo akong makatagpo ngayon Felipe, hindi ka ba nag-iingat? Paano na lamang kung may makakita sa atin,” puna nito sa kasintahan na ngiti lamang ang naging sagot. Pinagsabihan ni Gregoria si Felipe ukol sa katigasan ng ulo nito ng biglang magsalita ang ginoo.
“Gregoria, pakasalan mo ako,” tila natahimik at nabingi sandali si Gregoria sa narinig mula sa bibig ng kaharap na si Felipe. Hindi niya mawari ang sasabihin at tila napako ito sa katayuan niya. Nag-iintay si Felipe ng sagot ng dalaga ng biglang dumating ang magulang ni Gregoria.
Naging mabilis ang mga pangyayari. “Gregoria, uuwi na tayo, hindi ba at napagsabihan na kita at ikaw ginoo, nirerespeto ko ang pamilya mo ngunit pakiusap, layuan mo ang anak ko!” galit na sabi ni Emelia habang hinihila ang anak na si Gregoria. Pilit namang lumalaban si Felipe at sinasabing mahal nito ang dalaga.
Nagalit lalo ang ina ni Gregoria ngunit ang tatay nito ang sunod na nagsalita “Siguro ay hindi mo maintindihan ang aking punto Ginoong Felipe ngunit hindi ko nakikita ang aking anak sa piling mo. Hindi ka nararapat sa aking anak, masyadong malaki ang agwat sa estado ng inyong buhay, ayaw ko naman na sa bandang huli ay ang dalaga ko ang talo. Pakiusap Ginoo, layuan mo na ang anak ko, mas makakabuti ito para sa inyong dalawa.”
Hindi man sang-ayon ay wala ng nagawa ang lalaki sa nangyari. Lumipas din ang ilang araw at hindi na nito nakita ang dalaga hanggang sa kumalat ang balita na pinadala ng nanay ni Gregoria ang dalaga sa bansang Espanya para doon manirahan. Lubos na nalungkot si Felipe sa nalaman, hindi man aminin ay lubos itong nangulila sa presensya ng dalaga at labis ang pagsisisi na hindi nagawang pigilan ang pag-alis ni Gregoria.
Lumipas ang limang taong hindi pagkikita ng dalawa. Bumalik na rin sa Maynila si Felipe matapos ng ilang buwang pamamalagi sa Laguna, ilang buwan matapos umalis si Gregoria nang walang paalam. Wala itong inibig na kahit sino at nanatiling binata, umaasang sa pagbabalik ni Gregoria ay siya pa rin, siya pa rin ang mahal at pipiliin.
Nawa sa pagbalik mo Gregoria ay wala ng hadlang sa ating pag-iibigan. Ipagpaumanhin mo kung nabigo ako na ipaglaban ang ating pagmamahalan. Buong respeto ang binigay ko sa desisyon ng iyong magulang. Aking naiintindihan ang punto ni Ginang Emelia at hindi ako kailanman nagtanim ng sama ng loob sapagkat alam ko ang punto ng iyong ina. Sana sa iyong pag-uwi ay maisipan mo na ipagpatuloy kung anong mayroon sa atin. Mananatiling ikaw ang dahilan ng aking magandang umaga at gabi, rason sa aking pagngiti at ang dahilan para mapawi ang aking pagod at kalungkutan. Mananatiling ikaw ang pinakamagandang nangyari sa akin at parte ng aking puso ay magiging sayo. Mag-ingat ka palagi aking binibini.
Nagmamahal,
Ginoong Felipe