CONSUMMATUM EST

Isay
by: Paraluman & Gintong Araw
Tumitilaok ang manok sa labas. Kumakaluskos ang mga dahon. Sumasayaw sa malamig na simoy ng hangin. Ah, tama, Disyembre na. Kasabay ng malamig na panahon ang mga maiinit na balita para sa susunod na eleksyon.
​
Napailing na lamang ako. Panahon na naman ng dayaan at walang sawang agawan sa kapangyarihan. Ngunit kasabay ng pag-iling ko ay ang pagtaas ng kilay ko dahil sa umiinit na balita ng pagtakbo ni Marcos. Marcos na naman!
“Oh, agang aga para kang may kalaban na agad. Hinay, paalis ka pa lang.”
Agad akong nagtaas ng tingin at nakita ko ang nakatatanda kong kapatid, si Ate Isay.
“Paano bang hindi? Ayan na naman ang mga Marcos. Tapos itong mga Pilipino naman, mga uto-uto, kung ano ang makita sa social media pinaniniwalaan agad, ate naman,” mataray na ulit ko sa Ate ko.
​
“Well, ganoon talaga. Hindi ka pa ba nasanay? Kaya nga nariyan kayo diba? Ang kabataan ang pag-asa ng bayan? Diba? Diba?” sabay lapit ni ate at kiliti sa aking tagiliran.
“Ano pa nga ba?” sabay silid ng natitirang poster at papel para sa rally namin sa labas ng eskwelahan mamaya. Napailing na lang ang kapatid ko sabay halik sa aking pisngi at nagbitaw nang isang masuyong tingin. “Mag-iingat ka,” aniya. “Ako pa ba ate, mauuna na ako.”
Ako si Yna. Isa akong kolehiyala katulad ng aking kapatid na si Ate Isay. Unang taon ko na sa kolehiyo sa kursong Chemical Engineering habang si ate naman ay nasa huling taon na niya sa pag-aaral ng kursong medisina sa isang sikat na unibersidad sa Maynila. Pangarap kasi ni ate na maging dalubhasa pagdating sa medisina at ekspertong doktor sa mata.
Sobrang magkaiba kami ni ate, ako ay madaldal at aktibo pagdating sa mga gawaing panlabas ng paaralan katulad na lamang ng rally na gagawin namin habang ang kapatid ko naman ay tahimik lamang at madalas na tulala sa kanyang bintana.
​
“Yna, nasa labas na raw sina Lipa. Nag-aantay ng signal mo,” tawag sa akin ng isa sa mga kasamahan ko sa rally. Naglakad na ako palabas. Alam kong masasalamin sa mga mata ko ang determinasyon at pag-asa na mapakinggan ng aming paaralan. Sa loob ng ilan taon kong pamamalagi sa eskwelahan namin, nakita ko ang maling pamamalakad ng administrasyon dito, pangungurakot, pananakot, at ang pagkasira ng mentalidad ng mga estudyante dito.
Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa aking paglabas at madilim na langit. Parang uulan pa. At matapos lamang ang ilang minuto, hindi nga ako nagkamali sa aking sapantaha, bumuhos ang malakas na ulan. Napapikit na lamang ako sa inis at sa pagmulat ng aking mata ay nakita ko si Ate - basang basa sa gitna ng ulan.
​
“Bakit ngangayon ka lamang? Kanina ka pa dapat ah,” saad ni Tatay. Matapos kong isara ang pinto at makiupo sa hapag para kumain. Naroon na si Mama at si Ate Isay. Naalala ko ang aking nakita kanina pero hindi ko na lamang ito pinansin at mukhang maayos na naman si ate.
​
“Umulan pa po kasi kanina, hindi agad kami natuloy,” kumunot ang noo ng aking ama.
“Rally na naman? Ano bang nagagawa niyan sa buhay mo, ha!? Hindi ka na lamang mag-aral, tumulad sa kapatid mo –,” bago pa matapos ng aking ama ang sasabihin niya ay umimik na ang aking ina.
“Basta ‘wag kang magpapabaya sa pag-aaral mo,” masinsin ang tingin nang aking ina samantalang ang tatay ay nakayuko at tila may iniisip. Si Ate naman ay nakangiti lang, kaya ngumiti na lamang ako pabalik. Lingid sa kaalaman ko ay ang pagbabago ng itsura ng aking magulang mula sa seryosong anyo ay bumalatay sa mukha nila ang nag-aalalang ekspresyon.
Hindi na bago sa akin ang ganitong tagpo. Alam kong mas mahal ng magulang ko ang aking kapatid dahil ‘di hamak na mas magaling si ate sa lahat ng bagay kumpara sa akin. Bukod don ay candidate din si ate para maging Cum Laude kaya lalong mainit sa mga mata ng aking magulang ang mga galaw niya. Sa kabilang banda, mas maluwag naman sila sa akin pero hindi ko pinababayaan ang pag-aaral ko.
​
Matapos kumain at maghugas ng pinggan ay kapansin pansin ang katahimikan sa aming bahay. Bago pumasok sa aking kwarto ay sinulyapan ko pa ang pintuan ni Ate. Lock na naman? Kumunot man ang noo ko’y ‘di ko na lang ito pinansin dahil lagi naman niya ‘tong ginagawa.
Naging mabilis ang mga sumunod na araw sa akin. Malapit na ang final exams ko kaya hapit na naman sa pagtatapos ng mga gawain. Nasa salas ako ngayon at naglilista ng mga kailangang gawin at ipasa nang mapansin kong umuwi na si ate.
Bagamat madalas kong makita ang pagiging malumbay ni ate, iba ngayon. Nakatulala lamang siya na tila may iniisip habang naglalakad patungo sa kanyang silid. Sa ‘di inaasahan ay hindi napansin ni ate ang kanyang nilalakaran kaya dire-diretso siyang bumagsak sa sahig.
​
"Ate, okay ka lang ba? Parang namumutla ka," tanong ko habang tumatakbo papunta sa kinaroroonan ni ate.
"Okay lang ako," nakangiting sambit ni ate kahit mababakas ang sakit mula sa kanyang pagbagsak.
​
Habang tinutulungan kong makatayo si ate ay napansin ko ang mga pasa sa iba't ibang parte ng kanyang katawan at ang pamumutla ng kaniyang mga labi.
"Ano iyan ate? Pasa ba ang mga ito? Napaano iyan?" nag aalala kong tanong sa kanya.
"Ah iyan ba?" habang nakaturo sa mga pasa sa kanyang hita. "Madalas lang talaga akong nadadapa tulad nang nangyari kanina. Wag ka mag-alala. Okay lang ako," nakangiting saad ni ate sa akin.
​
Sa sobra kong pag-aalala ay hindi na sumagi sa isip ko na hindi lang ito basta mga pasa mula sa pagkakabagsak niya kanina.
Dumating ang oras ng hapunan, nag-aya nang kumain si Inay. Niluto niya ang mga paboritong ulam namin ni ate. Ngunit gaano man kasarap ang luto ni Inay ay napansin kong walang ganang kumain ang aking kapatid.
Nang matapos ang aming hapunan ay inako ko na ang paghuhugas ng mga plato upang makapagpahinga na rin si Ate. Napansin ko ang mabilisang pag-alis ng aking kapatid kasabay ng pagtunog nang lock ng pinto niya.
"Baka siguro dahil sa pagod sa mga gawain lalo pa at graduating na si ate," sambit ko sa aking sarili na nakatingin sa kanyang silid habang naghuhugas ng plato.
​
Dumaan ang mga araw, madalas na tulala at wala sa huwisyo na umuuwi si Ate. Napansin ko ring napadadalas ang pagkukulong niya sa kanyang silid. Hindi na rin namin magawang kausapin pa si ate dahil ‘di na rin namin siya makutaptapan.
"Kamusta na kaya si Ate?" sambit ko sa aking sarili habang nakatingin sa silid ng aking kapatid. Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala ang aking magulang.
"Inay, Itay, kamusta na po kaya si ate? Okay lang po ba siya? Hindi ko na po ulit siya nakikit. Lagi na lang siyang nakakulong sa kwarto niya," naiiyak kong tanong sa aking mga magulang.
"Anak," malungkot na sambit ni Itay habang inaalo ako ni Inay. Alam kong hindi lamang ako ang nasasaktan sa nangyayari sa kapatid ko, lalo’t higit ang magulang namin.
​
Madalas kong tinatanong sa aking mga magulang kung kumusta na ang kalagayan ni Ate. Ngunit tanging malungkot at nag-aalalang ekspresyon lamang ang mababakas sa kanilang mga mukha ‘pag nasasambit ko ang pangalan ng aking kapatid.
Alam ko na dahil ito sa masidhi nilang pag-aalala sa ate ko dahil aminin man nila o hindi, alam ko na mas mahal nila ang ate ko. Masakit man para sa akin pero alam ko na lubos ang pag-aalala nila dito lalo pa at graduating na si ate, hindi malabo na sobrang pressure na ang nararamdaman niya.
Tatlong araw bago ang final exams namin, kaya naman hapit na ako sa pagre-review at paggawa ng notes. Magbabandang ala-una nang madaling araw ng may bigla akong marinig na kalabog sa kwarto ng aking kapatid.
Kinakabahan akong tumakbo sa labas ng kwarto ko at dali-daling tinunton ang daan papunta sa kwarto ng ate ko. Naramdaman ko pa ang pagdaan nang malamig na simoy ng hangin sa aking likod nang mga oras na iyon ngunit hindi ko na ito pinansin pa. Bago pa ako makarating sa kwarto ni ate, natigilan ako nang may makita akong kakaiba sa kwarto niya.
​
Bakit bukas?! May nakapasok ba? May iba bang tao bukod sa amin?
Ang inaakala kong naka-lock na pinto ng kwarto ng ate ko ay bukas ng mga oras na iyon. Lakas loob akong naglakad papunta sa hamba ng pintuan ng kwarto ni ate at binuksan nang mas malaki pa ang siwang nang bukas na pinto. At sa hindi inaasahang pagkakataon, natuod ako sa aking kinatatayuan. Mababakas ang gulat, takot, at panginginig sa aking buong katawan.
Si Ate Isay …
Tumambad sa akin ang ate ko na may lubid sa leeg at may upuan na nakatumba sa ilalim niya. Nakamulat ang kanyang mga mata at parang humihingi ng tulong. Pumipiglas-piglas pa ang kanyang katawan at may kaunting pagsayaw pa ng katawan dulot nang kanyang pagpiglas. Hindi ako makagalaw. Nakatingin lang ako kay ate pero ilang sandali lamanng ay inihakbang ko papalapit ang aking mga paa.
“Ate, anong nangyari sayo?” nanginginig sa takot at umiiyak kong sambit. Agad kong itinayo ang upuang nakatumba upang gawing tungtungan para maibaba siya at matanggal ang tali na nakapulupot sa kanyang leeg.
​
“Yna, tulong,” mahina at putol putol na sambit ng aking kapatid. Alam kong umiiyak siya at nararamdaman ko ring pumipiglas pa siya kaya alam kong buhay pa siya.
“Ate Isay!” umiiiyak kong sigaw habang niyuyugyog siya upang manatili siyang gising. Hindi ko maalis ang tali sa leeg niya kaya naman patuloy kong sinisigaw ang pangalan niya, nagbabakasakaling may makaririnig upang tulungan ang aking kapatid.
Sa sobrang pagyugyog ko, hindi ko namalayang sarili ko na pala ang yumuyugyog at hindi na si ate ang nakasabit. Ako na pala.
Nakita ko ang aking inang umiiyak. Ang aking amang nangingilid ang luha at patuloy na inaalog ako at inaalis ang tali sa aking leeg. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, wala akong maramdaman. Alam kong tumutulo ang luha sa aking mga mata ngunit hindi ko mahanap ang boses ko. Iginala ko ang aking paningin sa madilim na kwarto ng aking kapatid na tanging ilaw lamang mula sa bintanang sinag ng buwan ang liwanag.
Nasaan si ate?
​
Nagsimula akong mangatal at kabahan nang hindi ko makita ang aking kapatid. Natatakot ako, nasaan si ate? Bakit nasa leeg ko iyong tali? Hindi naman ako ang nagtangkang magpakamatay! Si Ate iyon! Mabilis na umikot ang paningin ko, hindi ako makahinga. Alam kong narito si Ate, si Ate ang nakasabit at nagtangkang magpakamatay, hindi ako.
Sa muli kong pagsuyod nang tingin sa kwartong madilim, nabanaag ko ang isang bulto sa tapat mismo ng pintuan. Si Ate!
At ang mga sumunod na pangyayari ang hindi ko inasahan. Si Ate, wala siyang emosyon sa mukha ngunit kasabay nang paglamon sa akin ng dilim ay nakita kong ngumiti sa akin si ate. Hindi ako sigurado kung anong sinabi niya ngunit nakita ko ang pagbukas ng kanyang bibig.
“Palayain mo na ang sarili mo Yna.”
Tulala akong nakatingin sa bintana ng kwarto ko. Hanggang ngayon kasi hindi ko pa rin maunawaan ang lahat matapos ng pangyayaring iyon. Paanong ako ang nakasabit sa kwarto ni ate? Bakit nagtangka akong magpakamatay? Bakit nakatingin lang si ate? Bakit siya ngumiti?
Naguguluhan pa rin ako at pagkatapos nang araw na iyon, hindi ko na rin nakita pang umuwi si ate. Misteryo rin para sa akin ang palagiang pagtitig at pangungumusta sa akin ng aking mga magulang na hindi naman nila dati ginagawa. Gusto ko mang tanungin kung bakit nag-iba sila, inisip ko na lang na dahil ito noong pangyayaring iyon.
​
Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang mga tanong at pagkabahala kaya bumalik ako sa kwarto ni Ate Isay. Dahan dahan kong binuksan ang pinto at naglakad papasok sa kanyang silid. Wala pa rin itong pinagbago. Malinis at punong puno ng mga libro at notes na pangmedisina. Umupo ako sa upuan ni ate. Dito ay maayos na nakasalansan ang mga gamit niya. Tiningnan ko pa ang picture frame naming dalawa na naka-display sa lamesa niya.
Umihip ang malamig na simoy ng hangin. Ah, malapit na nga palang magtapos ang Disyembre. Isinara ko ang bintana ni ate sa kwarto. Hindi ko agad maabot ang hawakan kaya naman tumiad ako at sa paggalaw ko na iyon ay nasagi ko ang kanyang gamit na nasa lamesa.
Ah, kalat na naman. Pamilyar sa akin ang kahong nalaglag. Ito yung maliit na storage box na niregalo ko kay Ate! Natapon ang laman ng kahon at nagkalat ang mga papel na maayos ang pagkakatupi at isang parihabang maliit na testing kit. Isa-isa ko itong nilimot at sinalansan uli sa kahon nang mapagtanto kong hindi lamang pala ito isang testing kit, pregnancy test pala! At natigilan ako nang makita kong mayroon itong dalawang linyang kulay pula. Positive.
Hindi ko sinasadyang mapatingin ulit sa mga papel na aking inayos. Dala ng kuryosidad ay lakas loob kong binuksan isa-isa ang mga ito. Hindi lamang pala ito simpleng papel, nakapaloob dito ang mga sulat ni ate parang isang diary.
​
Hunyo 26, 2020
Bumagsak ako sa major exam namin kanina. Hindi ako umabot sa cut off ng mga pwedeng makakuha ng panibagong exam. Bakit kung kailang magtatapos na ako saka pa nagkaganito ang lahat? Nag-aral naman ako. Halos hindi na ako makakain at makatulog para lamang makapag-aral. Napapagod na ako. Napapagod na ako sa expectations ng mga magulang ko. Hindi ko naman ‘to ginusto.
Hulyo 28, 2020
Hindi ko alam kung tama bang sumugal ako sa pag-ibig ngayon kahit na malaki ang problema ko sa eskwelahan. Ngunit kada tingin ko sa mga mata ni Stefan, alam kong ligtas ako. Nakahanap ako ng kakampi at pahinga sa magulo at hindi siguradong mundo ko. Alam kong magiging maayos din ang lahat.
​
Oktubre 18, 2020
Nagkaroon kami nang hindi pagkakaunawaan ni Stefan, dumagdag pa ang finals namin na ibinagsak ko na naman. Nagsusunod sunod na ang problema ko sa buhay. Hirap na hirap na ako. Kailan ba matatapos ito?
Nobyembre 30, 2020
Ilang araw na akong nasusuka kada umaga at umiikot ang paningin. Nagpasya na akong magpunta sa ospital dahil kinakabahan na ako. At hindi nga ako nagkamali, buntis ako. Umiyak lamang ako nang umiyak nang araw na malaman ko iyon. Alam kong hindi matatanggap ng mga magulang ko ang kahihiyang ito at mas lalong hindi ko kayang panindigan ito ngayon. Patawad anak kung hindi ako naging malakas at ipinaglaban ka ngunit patawad lalo kung hindi ko kayang maging ina sa’yo. Patawad.
​
Disyembre 30, 2020
​
Pinagmasdan ko ang ngiti ng aking ina habang sinusuklayan ng buhok si Yna. Napakasaya nilang tingnan ngunit ipinaalala na uli ng aking ama ang nalalapit kong graduation. Mapait akong ngumiti nang maalala kong hindi ako kasama sa listahan ng mga magtatapos ngayon. Patawad, hindi ko kinayang magtapos ngayon. Alam kong ginawa ko na ang lahat. Alam kong hindi ito sapat ngunit pakiramdam kong wala na akong kayang ibigay pa. Inay, Itay, Yna, hindi ko na kaya. Maganda ngayon ang buwan, maliwanag kahit madaling araw na. Hanggang sa muli, paalam.
Nanginginig kong nabitawan ang mga sulat ni ate. Hindi maampat ang aking luha sa pagtulo. Napahawak ako sa aking ulo at nagsisigaw na parang baliw. Saka bumukal ang mga alaala sa aking isipan at umagos na parang isang malaking unos.
Ala-una nang madaling araw, kauuwi ko lamang mula sa isang tagong pagpupulong ng aking grupo. Kasasara ko pa lamang ng pinto ng makarinig ako ng pagkalabog sa kwarto ni Ate Isay. Habang patakbo akong papunta sa kanyang kwarto ay nakaramdam ako ng malamig na hangin sa likod ko. Hindi ko ito pinansin at nagmadali sa aking pagpunta ngunit nahintakutan ako sa aking nakita, si ate, nakasabit sa ceiling ng kanyang kwarto, may upuan sa ilalim niya na nakatumba. Dilat ang mata ng kapatid ko, nagpipipiglas at tinatakasan nang kulay ang buong mukha at katawan. Tanging si ate at ako lamang ang nasa kwarto, akong dilat na nakatingin mula sa pinto.
​
Nang mga oras na iyon, hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa para tulungan si ate. Nakatingin lamang ako sa kanya at hindi makagalaw. Hindi ko mahanap ang boses ko at sarili ko nang mga oras na iyon hanggang sa maramdaman ko ang pagtabig sa aking katawan. Ang aking ama na dali-daling ibinaba ang aking kapatid at ang aking inang tumatangis, at ako na nakatingin lamang mula sa pintuan na aking pinasukan.
​
Ate Isay.
Nakatulala pa rin ako sa mga papel na aking binasa. Ang daming tanong sa isipan ko ngunit nangingibabaw ang pagsisi ko sa aking sarili. Umuugong pa rin ang napakaraming ‘kung’ at ‘baka sakali’ sa akin.
Kung umuwi ba ako nang maaga mangyayari ba ‘yon? Baka sakaling nagkuwento sa akin si ate kung nagtanong ako. Kung inihakbang ko agad ang mga paa ko buhay pa kaya siya? Kung itinanong ko kung kamusta na siya, hihinto ba ang oras para sa aming dalawa?
Hindi ko na napigilan na humagulhol habang sinasambit ang pangalan ng aking kapatid na naging dahilan upang madali akong puntahan ng aking mga magulang. Agad akong niyakap ng aking inang umiiyak. Alam kong isa lamang ang tagpong ito sa napakaraming beses na tinangka kong kitlin ang buhay ko’t buksan ang usapin tungkol sa pagkamatay ni Ate.
"Yna, mag-iisang taon nang wala ang ate mo," malungkot na sambit ng aking ina habang yakap ako.
​
"Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung pati ikaw mawawala samin ng tatay mo. Nandito pa kami ng tatay mo, Yna," dagdag pa ng aking ina bago tuluyang bumuhos ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Ang aking amang nakasandal sa hamba ng pintuan ng kwarto ni ate ay unti-unting lumapit at niyakap kaming dalawa ng aking ina.
"Patawarin mo ako Isay kung naging mahigpit at mataas ang ekspektasyon ko sayo. Hangad ko lamang para sa inyong magkapatid ay magkaroon nang maayos na pamumuhay dahil tanging edukasyon lamang ang kaya naming ipamana sa inyo," sambit niya habang nakatingin sa ceiling kung saan nawalan nang buhay ang aking kapatid. "Patawarin mo ako Yna kung hindi ako naging mabuti at maunawaing ama sa inyong dalawa ng ate mo," dagdag pa niya na nakatingin sakin at hinigpitan pa lalo ang yakap sa aming dalawa ng aking ina.
​
Disyembre 30, 2021
Isang taon na rin pala matapos ang masalimuot na nangyari sa kapatid ko. At ako? Isang taon na mula ng sisihin ko ang sarili ko at magkaroon ng halusinasyon.
Isang ideya na kahit wala na si Ate, pakiramdam ko narito siya, nahahawakan at kasama ko. Isang taon na ring paulit ulit kong pinagtatangkaan ang sarili ko at pinaniniwalang hindi na magiging masakit ang pagkawala niya kung magkasama na kami. Sa dami ng pinagdaanan ng aking kapatid, ni hindi man lang ako isa sa mga naging sandalan niya. Marahil ang pagiging maluwag sa akin ng aming magulang ang dahilan kaya ‘di niya ako maituring na pahinga sa nakapapagod na mundo. Marahil ginusto niya ring maging ako, malaya at malayo sa mataas na ekspektasyon ng aking mga magulang at mga taong nakapaligid sa kanya.
​
Inilagay ko sa puntod ni ate ang isang tangkay ng paborito niyang kulay puting rosas at sinindihan ang dalawang maliit na kandilang nasa ibabaw ng kanyang himlayan. Napatawa ako nang maalala ang huling usapan namin ni ate, tungkol ito kay Rizal at sa pagiging magaling niyang manunulat tulad ko. Aminado ako, isa akong masugid na tagahanga ni Rizal at ng kanyang mga sulatin, nakatatawang marinig na nalimutan kong kabilang ako sa pag-asa na kanyang sinabi kung kahit ang aking sarili ay hindi ko na mailigtas.