top of page

la signatura de autenticación

by: Takip Silim & Ka-Isang

       Palubog na ang araw nang makarating ako sa aming bahay, dala ang nayukot na karton mula sa rally kaninang umaga. Pinagbuksan ako ng pintuan ni Aling Mira, habang sinalubong na naman ako ng pagsesermon ng aking mga magulang.

       “Anton! Hindi ba’t sinabi namin sayo na tumigil ka na sa mga rally rally na yan?” panimula ni Mama. Nagtatanggal pa lang ako ng sapatos ay ganito na agad ang bungad sa akin. “Sinasabi ko naman sayo na mas maganda pang pagbutihin mo na lamang ang pag-aaral mo. “Yan ba ang natututunan mo sa UP ha? Ang maging aktibista?” hindi ko sila pinansin. Tinunton ko na lamang ang daan papunta sa aking kwarto at umakyat sa hagdan. Bago pa man ako makapasok ay lumipat na ang atensyon at galit ni Mama kay Papa. “Sinasabi ko naman kasi sa’yo Arturo na ‘wag mo diyang papasukin si Anton! Tingnan mo ngayon!”

       Tuluyan akong pumasok sa aking kwarto at humiga sa aking kama. Kahit anong pagpapaliwanag ko, hindi sila nakikinig sa akin. Gustuhin ko mang makipagtalo ay hindi na kaya nang pagod kong katawan.

       Sa dinami-raming katiwalian ay hindi pa din nila kayang labanan ang lahat ng mga karumal-dumal na ginagawa ng gobyerno sa bayang ito. Hindi dahil sa may kaya kami ay dapat ko ng ipagsawalang bahala ang tungkulin ko sa aking bayan. Naniniwala ako na kaming kabataan ang pag-asa ng bayan. Sino man ang pumigil sa akin ay hinding-hindi ko isusuko ang aking prinsipyo – para sa mga susunod na henerasyon.

 

     Nang magising ako ay madaling araw na. Pinalitan ko ang suot kong damit at dumiretso sa aking mesa para simulan ang mga nakatambak na gawain. Pagbukas ko ng ilaw ay isang libro ang bumulaga sa akin. Mayroon itong itim na pabalat, kasing lapad ng kalahating coupon bond at kasing kapal ng isang bibliya. Ipinagpaliban ko muna ang kagustuhan kong kwestiyonin ang kasamahan ko sa bahay sa paniniwalang may pumasok sa aking kwarto. Ang mga sumunod na pangyayari ang hindi ko inasahan at mababakas sa aking mukha ang pagtataka habang binabasa ang unang pahina ng librong iyon.

Hunyo 27, 2052

                      MGA PLANO PARA SA REPORMA NG PILIPINAS 

       2052? Reporma? Isa ba ‘tong piksyon? Itinuloy ko ang pagbabasa at doon ko nakita ang ilan sa mga pinaka masalimuot na plano sa bansa. Puro kasamaan at katiwalian. Sino ang matinong tao ang kayang gumawa ng ganitong biro? Napaka-imposibleng galing nga ito sa hinaharap. Kung sino man ang may pakana nito, wala na yata siya sa katinuan. Hindi ako makapaniwalang may mga tao sa mundo, kahit sa piksyon, na may kakayahang masikmura ang ganoong pag-iisip. Ngunit paano nga kung isa itong piksyon? Napakatalino ng pagkakabuo ng mga plano. Komprehensibo ang bawat kilos at hakbang. Unang pahina pa lamang ay napahanga na ako. 

“Teka, ang sulat ay tila hindi nalalayo sa…hindi. Sadyang panget talaga ang sulat-kamay na ito.”

       Natawa na lamang ako sa aking reyalisasyon. Isa itong piksyon, sigurado na iyon. Gayunpaman, napakapamilyar ng librong ito. Sa pagbuklat ko sa mga sumunod na pahina, lalo nitong ginulo ang aking isipan – ang libro ay tila isang journal ng isang tunay at nabubuhay na tao. Nananaginip pa yata ako. Lalong lumalim ang aking kagustuhang mabasa ang nilalaman. Kasabay ng pagsikat ng araw ang paglaki ng interes ko na malaman ang kinahinatnan ng plano – may posibilidad na magkatotoo. 

       Bago ako layasan nang aking katinuan sa kaiisip sa nilalaman at ang katotohanan sa likod nito, ibinaba ko na ang libro at nilagay sa aking bag. Kailangan ko pang maghanda sa pagpasok sa paaralan; panibagong araw, panibagong pagdurusa sa pinili kong kurso. Bakit ko nga ba pinili ang medisina? Sa bawat pagsagot ko sa katanungan, lalong nag-aalab ang aking kagustuhan na tulungan ang bansa.

       “Agang-aga ay nakakunot na naman ang noo mo, Kuya. Kain ka muna ng almusal bago ka umalis, para naman gumanda ang araw mo tulad ko.”

       Hindi ko napansin na nasa harapan ko na pala ang aking nakababatang kapatid na si Alyana habang bumababa ako sa hagdanan ng aming tahanan. Napangiti tuloy ako sa kanyang bungad. Isa siya sa dahilan kung bakit sa kabila ng kasamaang bumabalot sa mundo, naniniwala pa rin akong may mabubuting tao. Si Alyana ang representasyon ng kagandahan at pagkadalisay.

       "Hindi na ako kakain. Kailangan ko pang mag-aral pagkarating ko sa campus, may pagsusulit kami sa Anatomy and Physiology. At huwag ka ngang mayabang, ‘di ka maganda.” bago pa maka-react ang kapatid ko ay bumunghalit na ako nang tawa.

“Mama, si Kuya oh.”

       Bago pa siya tuluyang mapikon sa aking mga biro ay sinuot ko na ang puti kong polo at nagpaalam sa aking ina. Ang isang oras kong byahe ay tila naging sampung minuto lamang. Hindi ko namalayan ang pagtakbo ng oras dahil sa aking pagbabasa at pag-alaala ng mga leksyon sa aming asignatura. Naglalakad na ako papunta sa aming silid ng nakasalubong ko si Sebastian, ang aking matalik na kaibigan. Isa siya sa mga matatalino kong kamag-aaral ngunit tunay na maloko. Kaya niyang maipasa ang kurso kahit madalas ang gala at inom.

“Pagaya ako mamaya. Alam kong nag-aral ka.”

       “Tigilan mo ako, Baste. Alam kong nagbasa ka rin. Teka, puyat ka ba dahil sa pag-aaral o puyat sa bebetime? Tigilan mo na ‘yan. Unahin mo ang Inang Bayan. Piliin mo.”

       “G*go, Anton. Nag-ML ako pagkauwi galing rally. Tsaka kailangan ko ba talagang pumili kung pwede ko namang sabay mahalin si Bea at ang Inang Bayan? Ikaw nga pareho mong mahal ang Pilipinas at medisina, pinapili ba kita?”

       Nakarating kami sa silid nang nagtatalo at nag-aasaran sa mga kaganapan sa sarili naming buhay. Dinadaan lamang namin sa biro ngunit totoo ang pagmamahal namin sa Pilipinas. Nang matapos ang aming pagsusulit, dumiretso kami ni Baste sa silid-aklatan upang doon sulitin ang mga oras bago ang susunod na klase. Kinuha ko sa aking bag ang journal na nakita ko sa aking lamesa kaninang umaga. Misteryo pa rin sa akin kung paano ito sa napunta sa aking silid. Ngunit wala na akong magagawa pa, nasa akin na ang libro. Wala namang pangalan o kahit anong pagkakakilanlan. Sandali, maaaring ito ay regalo ni Alyana sa akin. Nakalimutan kong itanong sa kaniya kaninang umaga. Susubukan kong linawin sa aking kapatid pagkauwi ko sa bahay. 

       Sa pagpapatuloy ko sa pagbabasa, nablangko ang aking isipan. Patatlong pahina, PAGHAHANDA SA MAAARING PAG-AAKLAS NG TAUMBAYAN. Kasali sa plano ang pagpatay sa mga hindi susunod sa gobyerno? Bakit parang walang pagkakaiba sa mga nangyayari sa kasalukuyan? Tahasan nga lamang ang paraan na nakasaad sa planong nais isakatuparan. Nakagagalit.

“Kakatapos lamang ng exam, nag-aaral ka na naman? Makapagtapos lang ang usapan, baka maging Cum Laude ka niyan.”

       Hindi ko pinakita kay Baste ang gulat at galit na aking nararamdaman. Sinara ko na lamang ang journal at niyaya siyang kumain upang makapunta na sa sunod na klase. Mabuti na lamang at hindi na siya nang-usisa pa. Wala akong balak na sabihin sa kahit kanino ang nilalaman ng aklat hangga’t hindi ko pa nasisigurado ang pagiging tunay nito. 

       Pagod akong pumasok sa aming bahay matapos ang mahabang araw sa paaralan. Agad na hinanap ng aking paningin ang aking kapatid. 

“Alyana, may iniwan ka ba sa kwarto ko?”

       “Ano iyon, Kuya? Ni hindi nga ako makapasok sa room mo. Tsaka kung magbibigay akong libro, sana ay nakabalot pa sa mabangong papel para maramdaman mo ang pagiging espesyal mo,” Sarkastikong sagot niya. “Teka, nagpaparinig ka ba ng isang regalo dahil malapit na ang iyong kaarawan?”

       “Hindi ah. Nagtatanong lang ako.” Pinalitan ko ang topic ng usapan para hindi na siya mangusisa pa. “Kumain ka na ba? Kung hindi pa, kumain ka nang hapunan.”

       Matapos ang usapan namin ni Alyana ay umakyat na ako sa aking kwarto. Sa halip na aralin ko ang mga tinalakay sa Pharmacology, binasa ko na lamang ang mga sumunod na pahina ng journal. Kung hindi galing kay Alyana, kanino? Saan ito nagmula? Hindi ito regalo ng mga magulang ko. Maaaring tutol sila sa pagdalo ko sa mga rally pero alam kong alam nila ang tama at mali. May prinsipyo ang aming pamilya. Sila ang dahilan kung bakit ako namulat sa katotohanan. Sila rin ang dahilan kung bakit ako kumikilos para sa bayan. Posible nga kayang nagmula ito sa hinaharap?

       Nakatulugan ko na ang pagbabasa ng journal. Masyado nang ukupado ng mga nilalaman ng libro ang utak ko. Pumasok ako sa isa kong klase na wala man lang inaral at binasa. Kapag nga naman pinagpala ka ng Inang Bayan, ginulat kami ng aming propesor ng maikling pagsusulit. Mabuti na lamang, ang lahat ng aytem dito ay kasama sa mga tinalakay namin noon.

       “Wala ka atang naisagot ah? Natulala ka na d’yan,” ani Baste. “Huwag kang mag-alala, ‘di rin ako sigurado sa mga sagot ko. Ikain na lamang natin ‘yan,” 

“Sira. May naisagot ako, ‘di lang din sigurado. Kailan ba tayo naging sigurado sa mga sagot natin?”

“Ay bakit ka tulala? Babae? May minamahal ka na?”

“Wala at wala akong babae. May iniisip lang. May tanong pala ako – posible ba na makapagpadala ng gamit mula sa hinaharap?”

       “Seryosong tanong ba ‘yan? Kung oo, ‘di ako sigurado. Maaari, may posibilidad. Lalo na kung maunlad na ang teknolohiya ng panahong iyon,” sagot ni Baste. “Bakit mo natanong?"

         “Naisip ko lang. Gusto ko sanang magpadala ng sulat sa sarili ko sa nakaraan para payuhan sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Katulad na lamang ng short quiz kanina, hindi ko man lang napaghandaan.”

       “Akala ko naman ay kung ano na! Minsan talaga ay hindi ko mabasa ang mga nasa isip mo, Anton. Nagugulat pa rin ako sa takbo ng utak mo.”

       Mabuti na lamang talaga at mabilis ako mag-isip. Mukhang di naman nahalata ni Baste ang sikreto ko pero tama siya. May posibilidad talaga na galing nga ito sa hinaharap. At maaaring pinadala ang journal na ito upang mapaghandaan ang mga maaaring mangyari. Ngunit bakit ako, bakit sa akin? Kaya ko bang pigilan ang kung ano mang kahihinatnan ng Pilipinas? Napakalaking responsibilidad nito. 

       Nasa kalagitnaan na ako ng pagbabasa ng journal nang may nahulog na larawan. Pinulot ko ito mula sa sahig at nagulat ako sa aking nakita. Naubos ata ang dugo sa aking mukha. Totoo ba ito? Teka, baka naman ako ang nagsingit ng larawan na ito? Dali-dali kong sinuri ang aking pitaka. Andito pa rin naman ang larawan namin ni Baste noong unang araw sa UP. Imposibleng ito yung kopya ni Baste sapagkat ‘di niya alam ang tungkol sa journal. Lalo akong naguluhan sa mga kaganapan.

       Bakit nasa journal ang litrato namin ni Baste? Ibig ba nitong sabihin ay totoo ngang galing ito sa hinaharap? Ipinadala ba ito ng sarili ko mula sa taong 2052 upang balaan ako sa mga mangyayari sa Pilipinas? Maaari ring isa sa amin ni Baste ang may-ari ng journal? Kaya ba pamilyar ang sulat-kamay ng mga plano? HINDI ITO PWEDE. Parehas kami ng paninindigan ni Baste. Bayan bago ang sarili; ipagtanggol at ipaglaban ang mga Pilipino. Eksaktong mga salita naming dalawa matapos ang unang rally na aming dinaluhan. Hindi maaaring magawa ito ni Baste. Lalong namang hindi ako magpaplanong pagtaksilan ang Pilipinas.

       Kahit ilang tanggi pa ang gawin ko, hindi maipagkakaila na maaaring kami nga ni Baste ang may-ari ng journal sapagkat nakasingit dito ang aming larawan. Di rin nagkakalayo ang sulat-kamay ng nilalaman sa sulat-kamay ni Baste. Kung masamang panaginip lamang ito, sana magising na ako. 

       Hangga’t walang ebidensya, di ko kokomprontahin si Baste. Kailangan ko ng mga patunay. Kung mapatunayan kong mali ako, tatanggapin ko. Kung malaman ko naman na siya nga ang may gawa ng lahat ng ito, ‘di ko alam ang mararamdaman ko. Sa aking palagay ay guguho ang mundo ko. Si Baste ang kasama ko sa lahat. Mula hayskul ay palagi na kaming magkasama, halos saulo na namin ang isa’t isa. Alam kong ‘di ko dapat pinagdududahan ang kaibigan ko pero masama ang kutob ko dito. 

       Hindi kaya na-frameup lang kami? Sinadyang ilagay ang aming larawan upang isipin ko na maaaring kami ang gumawa nito? Pwede ring nilagay iyon ng sarili ko sa hinaharap upang mapaniwala ako sa pagiging tunay ng dokumento. Hindi ko na alam ang uunahin kong sagutin sa dami ng katanungang tumatakbo sa isipan ko. 

       Isinantabi ko muna ang posibilidad na kami ni Baste ang may-ari ng journal. Ipinako ko muna ang aking atensyong tapusin ang pagbabasa ng plano. Unang limang pahina pa lamang ay kinamumuhian ko na ang may akda ng journal na ito. Ngunit nang matapos ko ang pagbasa at malaman na nagtagumpay sila, hindi lang muhi ang aking nadarama – kinasusuklaman ko na siya. Sinusumpa ko kung sino man ang gumawa at nagpatupad nito. Kailanman ay hindi magiging makatwiran ang ganitong plano. 

       Buong araw kong inanalisa ang bawat perspektibo ng mga posibilidad. At isa lamang ang katanggap-tanggap dito. Maaaring si Baste nga ang may-ari ng journal. Ang dahilan, isa lamang – pag-ibig. Galing sa mayamang pamilya ang kasintahan ni Baste na si Bea, Maria Beatrice Delos Santos. Kilala ang angkan nila sa paghahari sa gobyerno ng Pilipinas. Matagal na silang nasa politika, mula pa sa kanilang ninuno hanggang ipasa sa henerasyon ng mga magulang ni Bea. Hindi na ako magugulat kung tatakbo rin siya sa politika. Hindi dahil gusto niya ngunit alam kong planado na ito at nakatadhana na sa kaniya. Masyadong masunurin si Bea para labagin ang utos ng kanyang mga magulang. Ang tanging pag-asa na lamang namin ni Baste ay ang sundin ni Bea ang kanyang prinsipyo at paniniwala. Pamunuan sana niya ang bansa nang maayos, taliwas sa ginagawa ng kanyang pamilya ngayon. 

       Ngunit base sa plano dito sa journal, mukhang hindi mangyayari iyon kahit nag-aaral pa siya ng abogasya. Sisirain din niya ang kanyang prinsipyo para sa pamilya, pera at kapangyarihan. Gaya ng sabi ko, matalinong tao si Baste. Alam niya rin kung paano tumakbo ang politika at mga katiwalian sa gobyerno. Mulat na kami doon. Minsan pa ay si Bea ang nagsasabi sa amin ng mga maaaring mangyaring kasamaan. Ang talagang nakakagulat ay kayang baliin ni Baste ang lahat ng aming paniniwala at paglaban sa masama para lamang matanggap ng pamilya ni Bea. Oo, tama ang iniisip ninyo. Sa aking palagay ay ginawa ni Baste ang plano upang magustuhan siya ng mga Delos Santos sapagkat walang ibang paraan upang magustuhan siya kundi ang tulungan ang pamilya na makuha pa ang natitirang kapangyarihan sa bansa. 

       Kaya’t bago pa tuluyang mabaliw si Baste kay Bea, paghihiwalayin ko na sila. Alam kong mahal nila ang isa’t-isa pero hindi ko isasakripisyo ang Pilipinas para sa mapinsalang pagmamahalan ng dalawang tao. Bayan bago ang sarili; ipagtanggol at ipaglaban ang mga Pilipino. Masakit ang gagawin ko sapagkat pareho akong malapit sa kanila. Nais kong sila pa rin ang magkatuluyan sa huli ngunit kung ganito ang kahihinatnan, pasensya na lamang – PIPILIIN KO ANG BAYAN. 

       Dali-dali kong hinanap si Baste. Nais kong kumustahin ang relasyon nila ni Bea. Kakausapin ko rin si Bea pagkatapos. Hindi ko pa lamang alam kung paano sila paghihiwalayin at sirain ang halos perpekto nilang pagmamahalan. Pero alam kong mas madaling pasukuin si Bea sa kanilang relasyon. Mas mahal ni Bea ang kanyang pamilya, pipiliin niyang sundin ang mga ito kaysa ipaglaban si Baste. Kaya siguro naisipan ni Baste na gawin yung plano para sila pa rin sa huli. Pag-ibig nga naman, nakalalason – nakamamatay.

“Hoy, Anton. Miss mo na agad ako? May date sana kami ni Bea kaso mas mahal kita kaya sa iyo ako sumama.”

“G*GO.”

       “Biro lang. Hindi kami magkikita ni Bea. Alam mo namang ‘di kami pwede makita sa mga pampublikong lugar. Baka malaman ng pamilya niya na may relasyon kami. Saka na lang sana nila malaman kapag kasal na kami para walang kawala. Isa pa naman tayo sa mga gumawa ng kumalat na sanaysay na nagbubunyag ng katiwalian nila,” saad ni Baste na sinundan pa niya nang malakas na tawa.

“Siniraan mo ang pamilya nila tapos gusto mong pakasalan yung anak? Iba ka talaga, Baste.”

       Base sa naging usapan namin ni Baste sa aming pagkikita sa isang kapehan, mukhang matibay pa rin ang relasyon nila. Dahil sa aking reyalisasyon, mukhang ‘di ko na kailangan pang kausapin si Bea. Alam ko na kung paano sila sirain. Matagal na silang magkarelasyon at mahal nila ang isa’t isa. Ang tanging makapaghihiwalay sa kanila ay hindi ako, kung hindi ang pamilya ni Bea. 

       Huwag na tayo maglokohan. Kahit ‘di nagkikita si Baste at Bea sa mga pampublikong lugar, palaging nasa condo ni Baste si Bea. Alam ko ring may nangyayari sa kanila sapagkat nahuli ko ang g*gong si Baste na bumibili ng condom. Malaki naman ang naitulong ng Sex Education sa kanila sapagkat wala sa plano ng dalawa na dagdagan pa ang lumalaking populasyon ng Pilipinas. Hindi ko na rin kailangan pang ipahuli sila sa akto na ginagawa iyon para paglayuin sila ng mga magulang ni Bea. Simpleng masundan lamang at malaman ng mga bantay ni Bea na pumupunta siyang mag-isa sa condo ni Baste ay isa ng malaking eskandalo sa pamilya nila. Isipin mo, isang mahinhin at di makabasag pinggang dilag ay nagpupunta sa condo ng isang binatang walang ibang kasama. Kahit sino ay magtataka sapagkat wala naman silang ibang dahilan upang magkita. 

       Sa loob ng tatlong taon ay hindi pa sila nahuhuli. Ang galing rin magtago pero mukhang hanggang dito na lamang ang paglalaro ninyo ng apoy. Panahon na upang wakasan ang bagang sinisimulan niyo pa lamang. Huwag na nating paabuting sunugin nang munting apoy ang buong Pilipinas para lamang maipilit ang inyong pagmamahalan. 

Pasensya na Baste, mas mahal ko ang Pilipinas. 

       Madali lamang maisakatuparan ang plano. Alam ko ang numero ng mga bantay ni Bea sapagkat minsan ko na silang sinalo sa kanilang mga sikretong pagkikita. Alam ko rin ang mga araw na nagpupunta si Bea sa condo ni Baste. Isang mensahe lamang ang kapalit ng kanilang pagkakahuli, ganoon kadali. Ngunit paano ako makakasiguradong ‘di matutuloy ang paggawa ni Baste ng plano sa journal? Ito ang kritikal sa aking plano. Kailangan ay may sapat na dahilan ang pamilya ni Bea na tanggalan ng kalayaan si Baste. 

       Teka, bakit nga ba ako namomroblema pa? Kayang kayang baliin ng mga Delos Reyes ang hustisya upang di madawit sa isyu si Bea. Maaaring walang mangyaring paglilitis para hindi madumihan ang imahe ng kanilang anak. Deretso pagpapakulong lamang ang gagawin kay Baste upang ‘di na sila magkita ni Bea. PLANTSADO. Walang mintis ang aking plano.

       Isang araw matapos kong ipadala ang mensahe nang, Hulyo 31, 2022, Linggo, nagkagulo ang media. Nagimbal ang buong bansa. Hindi ko alam na maiisapubliko ang relasyon ng dalawa. Akala ko ay itatago agad ng Delos Reyes ang isyu. Mukhang nakalabas sa social media ang kanilang pagkikita sa condo. Mangyaring ‘di lamang ako ang may planong mabunyag sila. Baka naman ang bantay ang nagpakalat ng litrato para sa pera? Mukhang ‘di lahat ng nasa ilalim ng mga Delos Reyes ay tapat sa kanila. Natatawa na lamang ako sa mga nangyayari.

 

       Nagkaroon ng paglilitis. Ngunit dahil atat na atat ang pamilya ni Bea na makulong si Baste, mabilis itong natapos. Ni hindi man lamang ako nadawit at inusisa kahit sobrang malapit ako sa kanila. Nakaramdam ako ng kaunting awa kay Baste. Hindi man lamang niya naipagtanggol nang maayos ang kanyang sarili. Pati abogado na kanyang nakuha ay nabayaran ng mga Delos Reyes. Ang humatol – malayong kamag-anak ni Bea. Malamang sa malamang, talo ang kaso ni Baste. 

       Sa loob ng panahon na nahuli sila, hindi ko nakausap man lang o nakita nang personal sina Baste at Bea. Masyadong naging kontrobersyal ang isyu. ‘Di pinayagan na makalapit ang kahit sino kay Bea. Si Baste naman ay tinago rin ng kaniyang pamilya mula sa lahat ng maaari pang maging panganib sa kanya. Ngunit kahit pamilya ni Baste ay walang nagawa sa kaso. Sadyang hindi matatalo ang pamilya ni Bea kahit anong gawing paglaban, dahil una pa lang, wala ng patutunguhan.

       Tapos na. Nagtagumpay ako. Nagtagumpay ang bayang Pilipino! Wala na ang taksil at ang masalimuot na plano. Ligtas ang hinaharap, ang susunod na henerasyon. Ang lahat ng ito ay inaalay ko sa aking bayang sinisinta, kahit na sa mata ng iba, hindi tama ang mga naging aksyon ko, handa akong isakripisyo ang lahat para sa bansang minamahal.

       Simula ng araw na iyon ay lagi na akong dinudumog ng karamihan, upang makibahagi ng simpatya, sapagkat ako ang pinakamatalik na kaibigan ni Baste. Kahit na minsang nakokonsensya ay alam ko sa sarili kong para sa bayan ang ginawa ko, para sa kanila. Dahan-dahan ko na ring sinimulang bisitahin si Bea upang kumustahin. Hindi basta bastang mawawala ang sakit ng pagkawala ng kaibigan, ngunit hindi ko maaaring bawiin lahat, matapos kong mapagtagumpayan ang mga bagay na tutulong sa pagkamit ng tunay na kalayaan. Hanggang ngayon ay gabi-gabi ko pa ring itinatabi sa aking pagtulog ang mga sinulat niya. Siguro ay para ito sa aking konsensya na laging magpapaalala na ako ay nasa tama.

       Ilang buwan na din ang nakalipas matapos ang lahat. Napadadalas pa lalo ang pagbisita ko kay Bea. Pinunan namin sa isa’t isa ang nawawalang presensya ni Baste. Kami ay naging matalik na kaibigan bago naging magkarelasyon. Agad siyang nagustuhan ng aking pamilya at ganoon din naman ako sa kanila. Minsan ay binibiro pa ako ng mga magulang niya na sumali sa politika, at tumakbo sa ilalim ng pamamalakad nila. Hindi ako makapaniwala na natatamasa ko ang lahat ng ito simula ng gawin ko ang tama. Maliit na sakripisyo ang ilang taong pagkakaibigan para sa kabutihan ng karamihan. 

       Di rin nagtagal ay nagtapos na kami sa kanya kanyang pag-aaral. Sa aking tabi ay ang aking pamilya na nakasuporta. “Tumayo ka sa ilalim ng oblation, Kuya!” banggit ni Alyana. “Lilitratuhan kita, Magna Cum Laude,” walang pag-aatubili akong sumunod sa kanya. 

       Pagkabilang niya ng tatlo ay hindi ko na mapigilan ang tuwang nararamdaman ko. “Maraming salamat at tapos na ako! Salamat UP! Magiging doktor na ako!” sabay yapos sa aking mga kasama. Hindi ko matatamasa ang lahat ng ito kung wala sila sa aking tabi. Lahat ay ipinagpapasalamat ko sa kanila.

       Matapos ang lahat ng seremonyas ay kumain kami sa labas, kasama naman ang pamilya ni Bea. “Aba Tony, gradweyt ka na. Pwede ka nang sumali sa pulitika. Tumakbo kang running-mate ko ngayong huling termino ko na,” muling pagbabanggit ni tito Marcquo.

       “Tito, hindi ko po itatanggi na talagang dahan-dahan akong nagiging interesado sa mga sinasabi n’yo. Kaso, graduate po ako ng medisina,” sagot ko. “At saka po, balak ko pa pong kumuha ng ispesyalisasyon sa pediatrics.” 

       “Tumigil ka muna sa pag-aaral Tony, kahit isang taon lang – bilang pahinga,” sabi nyang uli bago isinubo ang in-order niyang steak. “Tsaka, mga artista ngang di nakapagtapos nakakapasok sa politika, ikaw pa kaya?” Napatingin ako sa kanya, habang minamaliit niya ang mga nahalal na politiko sa bansa. Marahan din siyang napatingin sakin, ngunit agad na bumalik sa pagkain, “Ang sinasabi ko lang naman Tony, nasasayang ang talento ng mga kagaya mo. Hindi ba’t isa ka rin namang aktibista? Alam mo ang makabubuti sa taumbayan.”

       Napaisip ako sa kanyang sinabi. Tama nga naman. Sa halip na yung mga walang talento, isip, at disiplina ang nakaupo, bakit hindi na lang isang taong may pinag-aralan at may malasakit sa kapwa ang nasa upuan? “Gayunpaman po, imposibleng manalo ako sa eleksyon. Wala pa po akong nabubuong pangalan,” pag-aatubili ko pa.

       Nasamid siya at napatawa. “Kung /yan ang inaalala mo ay baka nakalilimutan mo ako. Antagal ko na dito.” Tumigil muna sya at uminom. “Iintayin ko ang sagot mo, lalo pa’t ilang buwan na lang din bago ang eleksyon.”

       Nagpatuloy ang hapong iyon na parang isang normal na selebrasyon – ngunit patuloy na umiikot sa isip ko ang sinabi ni Tito Marcquo. Bakit nga hindi? Sa ganitong paraan mas marami akong maabutan ng tulong at mapagiginhawa ang buhay. Ngunit para sa akin ba talaga ‘to? Ilang araw ko ring pinag-isipan at sa huli, nanaig ang pagkagusto kong manungkulan sa bayan.

       Sa loob ng ilang buwan ay napabango ko ang aking pangalan. Ipinakilala ako ni Tito sa bayan, tinuruan niya ako ng mga dapat kong matututunan, at higit sa lahat tinuruan nya akong gumawa ng mga plano para sa bayan. Marami akong natutunan ngunit may kulang. Gusto ko ng mga planong sa akin, planong hindi galing sa iba. Hindi ko alam sa sarili ko ngunit naging sanggunian ko ang journal ni Baste. Bawat gabing binabasa ko ito ay may mga plano din namang radikal, naka konekta sa kinabukasang pinapangarap ko. Hindi ko sinasabing tama, ngunit may punto ang mga argumento sa journal na ito. Hindi ko man maipagmalaki, dito ako nakakakuha ng sariling akin, sariling ideya, kung ano ang gusto ko. Inilahad ko ang sarili kong gawang plano kay Tito Marcquo at tumingin siya sa aking nakakunot ang noo, “Ganito ba ang ayaw sa politika? Mas maganda pa ang mga plano mo kaysa sa iba kong mga nakilala.” Ngumiti siya at umakbay sakin, “Ipapanalo natin ‘to Tony. Pihadong mananalo tayo dito!”

       Dumaan pa nga ang ilang buwan at dumating na ang araw ng eleksyon. Alas otso ng gabi, sama-sama kami sa bahay, nag-aabang ng resulta. Malayo ang daan na ito sa landas na gusto kong tahakin. Kung papalarin ay papalarin at kung mabibigo ay tatanggapin. Naramdaman kong bumalot sa kamay ko ang ang daliri ni Bea. “Wag kang kabahan. You did your best,” sabi nya, sabay ngiti. Hindi nagtagal ay oras na para i-anunsyo ang bagong mayor at vice mayor ng bayan. “Nanatiling si Marcquo Delos Santos pa din ang ating mayor, habang ang running mate naman nya na si Antonio Hesus Suarez ang ating bagong bise-mayor.”

       Hindi ko inaasahan ang lahat, naghiyawan at nagtatalon sa tuwa lahat kaming nandito sa bahay. Hindi ako makapaniwala! Ako? Bise-mayor? Tinapik ako ni Papa sa balikat, “I’m so proud of you, anak! Ang solid din kasi ng plano mo,” sabi niya na bumalik na sa kakahiyaw. Napatingin ako sa itim na journal na nakapatong sa malayo. Plano, huh?

       Naging maganda ang pagpapatakbo ko sa terminong iyon. Minahal ako ng bayan gaya ng pagmamahal ko sa kanila. Lahat ay pumupuri sa aking pag-iisip at sa ganda ng aking pamamalakad. Syempre, natamasa ko ang lahat sa lahat tulong at pag-agapay sa akin ng aking pamilya, kaibigan, kasintahan, pati mga kapartido, at syempre - ako at mga plano ko. Dati kong kinamumuhian, ngayon ay aking naging sandigan. Ngunit sinisigurado kong nasa tama at mabuti pa rin ang mga ipinapasa kong plano.

       Nang matapos ang termino ko, hinikayat akong muling tumakbo. Naging mayor ako ng bayan, at dito ko napagtanto na ito pala ang tunay kong gusto. Iniwan ko ang landas ng medisina at nagpatuloy sa politika. Padami nang padami ang sumusuporta sa akin habang pataas nang pataas naman ang posisyon ko sa bayan. Sa kanang kamay ko ang lapis at papel, habang sa kabila naman ang journal. Araw-araw akong pagod ngunit mas nagkamayroon ng saysay ang buhay ko.

       Parang paninigarilyo ang politika. Nakatikim ako ng kapangyarihan at ngayon ay hindi ko na mapigil-pigilan. Masama sa aking katawan ngunit masarap sa pakiramdam. Hindi ko tuloy maitigil at hanggang ngayon ay gusto ko pa. Mas marami, mas malakas na kapangyarihan.

       Syempre, kadikit ng kapangyarihan ang malaking responsibilidad. Madaming sakripisyo hindi lang ang sarili, ngunit pati ang bayan. Upang makaangat ang karamihan ay kailangang bitawan ang mga nasa laylayan. Kung minsan, hindi din maiiwasan ang mga sakripisyo ng isang buhay. Hindi ba’t maganda nang mamatay kung iaalay naman sa bayan? Hindi na masama kung ang kapalit nito ay isang damakmak na bagong mga imprastraktura, mga bagong daan. Pumasok ako sa aking opisina at naupo sa aking itim na upuan. Isa na namang produktibong araw. Naipasa na kase ang bagong batas na isinulat ko. Batas na nagbabawal sa pagpapalaboy-laboy sa mga pampublikong lugar. Salamat sa aking gabay, ang itim na journal. Tama nga namang makakatulong ito sa mas malinis na Pilipinas.

       Sa ngayon ay isa na ako dalawampu’t apat na senador. Ako ang nakalikom ng pinakamataas na boto sa padalawang termino kong ito. Malaki ang naitulong sa akin ng journal sa pagplantsa ng mga plano na nagluklok sa pwesto ko ngayon. Kung tutuusin nga, sa dami ng taon ko sa politika, ito ang laging sumasagot sa lahat ng posibleng butas sa mga isinasagawang plano.  

       Pag-uwi ko sa bahay, nagkaroon bigla akong ng inspirasyon na gumawa ng bago at sariling plano para sa Pilipinas. Kinuha ko ang itim na journal mula sa aking bag. Napansin kong hindi ko pa pala nararating ang huling pahina nito, ang pahinang walang sulat. Pagbuklat ko ay nahulog ang isang litrato, kaiba sa unang larawang nakasipit dito. Kaparehong-kapareho ng litratong ito ang litrato ko noong araw ng pagtatapos, ang kaibahan nga lamang ay kasama ko si Baste sa larawan na hawak ko ngayon. Pagbaligtad ko ng larawan ay nabasa ko ang maikling mensahe mula kay Baste kasama ang kanyang prima na nagpaguho ang aking mundo. 

     Anton,

              Tanggapin mo ang itim na journal na ito bilang isang regalo. Nais kong isulat mo dito ang lahat ng iyong mga plano sa buhay bilang isang doktor. Alam kong malayo ang iyong mararating sa larangan ng medisina. Naniniwala ako sa iyo at sa iyong kakayahan. 

       

              -Baste

bottom of page