top of page
Soneto Art Divider 3.png

Soneto

Ang soneto ay isang uri ng tulang may 14 na taludtod tungkol sa damdamin at kaisipan, may tugma, at may mapupulot na aral ang mambabasa.

SONNET 1 BG.png
Ang Pag-Andap ng Liwanag
by: balatkayo

Nais mo bang makilala at mabatid

Paghubog ng panahon sa natatangi?

Imik ng ilan na mga tagamasid

Mga sambit tila parang walang silbi.

 

Ilaw ng tahanan naging unang gabay.

Tila pang habang buhay na kaalaman —Kaalamang sa Inang Bayan ay alay.

Panahon para pangarap ay malaman.

 

Sinusubok ng pangalawang tahanan

Ang mga nalalaman ay sinasabak.

Naging kasaysayan mga nakagisnan

Napadpad na kung saan ang mga yapak.

 

Kahit gaano subukin ng panahon,

Babalik pa rin sa pagkabata noon.

SONNET 2 BG.png
Tanglaw ng Lipunan
by: natatangi

Tanging kalasag ng isang indibidwal

Daan tungo sa kanyang paroroonan.

Higit pa sa mga kayamanang materyal

Kinabukasan ng mahal na bayan.

 

Sa kabataan, siyang nakasalalay

Lipunang minimithi ng sambayanan.

Bisa ng kapangyarihang tinataglay

Tungo sa inaasam na kaunlaran.

 

Tila hiwagang sa bayan ay pupukaw

Sa pagkalunod mula sa kamangmangan.

Siyang mistulang maging susi at tanglaw

Paglalakbay papunta sa kaalaman.

 

Edukasyon para sa sanlibutan,

Edukasyon para sa kinabukasan.

SONNET 3 BG.png
Bayan 12.88º N, 121.77 º E
by: mnema

Sa dakong silangan, lupain ng araw

Amihang sabay sa daluyong ng dagat

Ang kalayaang tanaw ng balintataw

Ipinaglaban ng mga indio-ng mulat.

 

Ang sigasig na nagmula sa pag-ibig

Waring sandatang walang makapipigil.

O' sintang bayan, syang lakas sa pag-tindig

Asahang kami'y di muling pasisiil.

 

Rizal, 'kaw na pasimuno naring lahat

Salamat sa iyong paturo't pangaral.

Nasyo'y tuloy na babangon at aangat.

Pangakong Pilipinas lang ang syang mahal.

 

Bayan ng indio'y bayan ng kalayaan

Mananatiling makabayan kailanman.

SONNET 4 BG.png
Kaninong Anino?
by: Salome

Kung  sa dapit hapon ay may binibilang

Ito’y babala ng sigwang ‘yong binigkas.

Bakit nga ba naghahari uring halang

Para ipreso bayan sa isang kumpas?

 

Pepe, tuluyan ka na nga bang naglaon?

Sino’ng titindig sa puno ng estado?

Gayung kahapon ay binaon ng ngayon

At ang tama ay yaong asa pulpito.

 

Tanong nga ba ay sino o baka ano?

Anong Diyos ang sati’y nagpapaikot

Pananahimik, suporta o respeto?

Kaninong anino tayo dapat takot?

 

Kung bukang-liwayway ay may inaantay,

Ito’y isang bagong Pepe na gagabay.

SONNET 5 BG.png
Ang Pluma na Nagmula sa Alemanya
by: mutya ng sagada

Walang dapithapon na isa ang hulma 

Sa bawat lugar iba ang matatanaw.

Ang pagmulat sa iba't ibang kultura 

Pagsilay sa bagong anggulo ng araw. 

 

Paglalakbay ni Rizal ay nakatala 

Ang paglisan sa Maynila'y nakatatak.

Maging pagtapak sa Fransiya'y nilathala 

Lumisan s'ya para sa'ting halakhak.

 

Salamat Rizal tugon ng kabataan, 

Ang iyong ekspidisyon sa Alemanya 

Nagbunga ito ng aming karapatan. 

Tama kang ang Pilipinas ay di kanya. 

 

Paglayag mo'y paglayag rin ng watawat. 

Malaya na kami at walang aawat.

SONNET 6 BG.png
Hulma ng Pluma
by: galimgimero

Ukit ng panulat at itim na tinta

Bagwis ng balahibo’t masidhing suwat.

Sining at musika sa pormang salita

Sa dahong manipis ay siyang ilalapat.

 

Hiyaw ng pilipinong kulong sa bulyang

Tipon ng pasakit, bunton ng pighati.

Tumbas ay bulong ng mga pariralang

Lama’y saloobi’t pagdadalamhati.

 

Mga sulating nagadukha ng apoy

Dala ang hangarin na mapakawalan.

Baga ng damdaming sa dugo dadaloy

Dating naging atin, inang Kalayaan.

 

Hulma ng ‘sang bayani gamit ang pluma

Diwa ng Pilipino, dala ang alaala.

SONNET 7 BG.png
Apat na Taon at Labintatlong Araw
by: Juana

Puno't  dulo ang kanyang mga nalimbag 

Sa naging sapit na pagkakapatapon.

Nanatili pa din ang diwa ng tatag

Pag-apak sa bayang sa kanya’y umampon.

 

Sa lugar kung san siya’y minsang naglagi

Hindi naging madali kung matuturing.

Kabutihan niya’y di maitatanggi

Maging mga gawa’y nakakahumaling.

 

Sa kabila ng kanyang pagkadestiryo

Iba’t ibang tulong ang naipahatid.

Kung saan minsan siya ay nadestino

Ginhawa ang kaniyang naipabatid.

 

Hindi man kanais-nais ang hantungan

Tila ay may magandang kinasadlakan.

SONNET 8 BG.png
7:03
by: Minokawa

Sa lupang hinirang na kanyang damara

Ay isinatitik ang pamimiyapis

Na ginamit ang pluma bilang sandata.

Nakidigma ang tintang naghihinagpis.

 

Sa piling ng bayang may langit na bughaw

Gamit ang panitikan siya’y nagpunla.

Damdaming sabik, sa kalayaan uhaw.

Ang kanyang pagsugal, buhay ang sinangla.

 

Sa Bagumbayan ang oras na nalabi

Hiling na tumagos, sa puso’y malapit.

Consummatum Est! Kanyang huling sinabi

Nagwakas sa tanglaw ng dangal at langit.

 

Pagsikat ng araw sa lupang inibig

Kanyang pahimakas, punglong naghilig.

bottom of page