CONSUMMATUM EST

Tula
Ang tula is isang anyo ng sining o panitikan na binubuo ng saknong at taludtod at naglalayong maipahayag ang damdamin sa malayang pagsusulat.

Kamusmusan. Karunungan. Kasulukuyan.
by: Novehack
Rizal, sa iyong kamusmusan,
Mumunting isip datapwat puno ng karunungan,
Ika nga’y may gatas pa ang mga labi,
Kaulayaw iyong kakayahang di maikubli.
​
Ang iyong kabataan, nakaukit na sa kasaysayan.
Iyong pangalan, animo’y bigkis ng kahusayan.
Hiraya ng iyong panahon,
Bukang liwayway ng aking henerasyon.
​
Ngayon, sapantaha ko ang isang katanungan,
Rizal, Kumusta ka?
Sa samu’t-saring dagok ng iyong kapalaran,
Ako sa iyong kalagayan, siphayo’y walang pagsidlan.
​
Mga pagpapahalagang natutunan ng iyong kamusmusan,
Patuloy na salamin ng bawat modernong kabataan.
Kaya salamat sa iyong labang di sinukuan.
Salamat, sa mga salitang iyong panambitan,
Na ako ang pag asa ng bayan ko.

Padayon
by: Manawari
Sa larangan ng edukasyon, ikaw ay lubos na hinahangaan.
Maging sa kahusayan sa pagpinta, paglililok at ibang larangan.
Hindi maikakaila na ikaw ay talentado at puspos ng kaalaman.
Kaya naman Pepe ako’y saludo sa iyong kagalingan.
​
Napakahalaga sa iyo ng edukasyon,
Upang ang kabataan o masa ay matuto paglaon.
Ayon sa iyo, ito ang magiging solusyon,
Upang ang bansa ay mailigtas sa dominasyon.
​
Pepe, maaari ko bang sabihin na tayo ay magkatulad?
Magkatulad sa aspetong ang edukasyon ay susi sa pag-unlad.
Hindi mahalaga kung ano ang iyong pinagmulan,
Sapagkat ito ay karapatan ninuman.
Edukasyon ang tanging kayamanan na di mananakaw ng sino man.
Ito ang susi sa tagumpay ng ating kinabukasan.
Kaalaman mo ay halina’t pagyabungin,
Pag-aaral mo ay pagbutihin at huwag sayangin.
​
Magpahinga ka kung pakiramdam mo ay pagod ka na.
Huwag mong pilitin na makisabay at makipagkumpitensya sa iba.
Ang daang iyong tatahakin ay tiyak na mahirap,
Ngunit hindi ito balakid sa inaasam mong pangarap.
​
Kaya, huwag kang susuko, bagkus ay magpatuloy na sumubok,
Sapagkat sa huli ay makararating ka rin sa tuktok.
Mga balakid na mararanasan ay piliting malampasan.
Naniniwala akong kaya mo iyan, kaya, padayon sa iyo aking kaibigan.

Lingas at Siklab
by: Irina
Sa iyong paglalakbay, dala mo ang nag-aapoy na damdamin,
Iyong tanging mithiin magandang kinabukasan namin.
Sa pamamagitan ng papel at pluma inilaban mo ang karapatan,
Na siyang gumising sa tulog na damdamin, ang pagkamakabayan siniklaban.
​
Ang bawat bakas ng iyong pluma'y sigaw ang kalayaan.
Kaya't sa rebolusyong ‘di ka sang-ayon, kay hirap paniwalaan.
Ngunit saang dako ka man makarating matagal nang napatunayan,
Alaman mo ang dapat, ang mata ng lahat iyong binuksan.
​
Tulad mo'y hangad ko rin, ang kabutihan ng nakararami.
Ang iyong pananaw ang tatanawin, ika'y hindi itatanggi bagkus itatangi.
Dala ko ang salamin ng mithiin na aking palaging sisilipin.
Ang repleksyon mo'y tititigan, palalaguin apoy sa damdamin.
​
Ang iyong sagisag ng pagka-makabayan ay kitang-kita ko nga.
Sa maluha-luhang mata, ika'y aking tinitingala.
Isasabuhay ko ang bawat pagpupursigi mo’t mga sakripisyo.
Hindi makatatapak ng malaya sa lupa, wala dito kung 'di dahil sa iyo.

Lakbayin
by: D'little
Pepe, saan ang 'yong punta?
Pwede bang ako ay sumama?
Tiyak ika'y puno ng duda,
mga tanong para sa masa.
Bakas sa 'yong mga mata,
dilim ng pag-aalala.
Tunay ngang ika'y bukod tangi.
Tahanan ay lilisanin,
bitbit ang sariling naisin.
May bahid ng determinasyon,
sa bawat impormasyong,
bunga ng ekspedisyon.
Anong tapang, anong galing.
Pagmamahal sa baya'y, nakamit namin.
Mula sa natatanging kakayahan,
ngayo'y bansa'y nakalaya.
Tila ba isang paraiso,
kung susumahin ko.
Saan, ano, paano?
Tila ba lahat ay makatao.
Paglalakbay ba nama'y puno ng sakripisyo.
Kung ako ang tatanungin mo,
ito ang lakbaying, gugustuhin ko.
Kaya naman, Pepe, ako'y isama mo.

Rizal, Paturo
by: Laya Liya
Rizal, Rizal,
Kaya ko bang maging katulad mo?
Rizal, Rizal,
ikaw ay laman ng aming bayan.
Sa piso, libro, at mga paaralan,
mukha mo ay laging nasisilayan.
Rizal, Rizal,
Ang iyong mga nobela,
Ay aming pinag-aaralan.
Noli at El Fili ay nagsilbing batayan,
Upang kami ay magpatuloy at lumaban.
​
Rizal, Rizal,
Ang iyong pagkabayani,
Ay sadyang natatangi.
Ang pagkamatay mo,
Tumatak sa mga Pilipino.
​
Rizal, Rizal,
Kaya ko bang maging katulad mo?
Isang bayaning lumaban gamit ang puso;
Inalay ang buhay para sa mga pilipino.
​
Rizal, Rizal,
Paano maging katulad mo?
Paturo.

“Pusong Makabayan”
by: Priyanka
Sa bayang minamahal, may pusong naninindigan,
Mga sulating walang ibang hangad, sigaw sa Kalayaan ang nilalaman.
Ngunit sa huling sandali bago harapin ang kahihinatnan,
Tanging pinaglalaban ay binawi at kinalimutan.
​
Totoo man o hindi, ang mga ambag ni Rizal ay hindi maipagkakaila.
Sa pagtaguyod ng sariling wika at kultura, liwanag ay siyang nagdala.
Mga tanong at pagdududa, sa paglipas ng panahon ay namuo,
Ngunit mangingibabaw, mga aral na nagdulot ng pagbabago.
​
Ako ay Pilipino at ako ay maninindigan.
Sa gitna ng dilim at kaguluhan, mananatiling may diwang makabayan.
Gaya ni Rizal, pipiliin ko ang lupang sinilangan.
Makikiisa at itataguyod, dakila nitong kagandahan.
​
Bayang minamahal, dala mo ang pagasa.
Sa inaasam na pagbabago, sama-samang lilikha.
Ang sariling atin ay ipagmalaki at tangkilikin.
Hanggang sa huli, ang bayang kinagisnan ang pipiliin.

Imahe ng Kabayanihan
by: Nobi
Sa nag uumapaw na kaganapan at pananakop,
Karapatan nating mga Pilipino’y tila ba natiklop.
Akda ni Rizal ay naging instrumento para lumaban,
At hudyat sa pag-usbong ng pagiging makabayan.
Paggamit ng dahas ay walang puwang sa puso,
Siya’y umaksyon at walang dumanak na dugo.
Kanyang panulat ay sumalamin sa kabayanihan,
Tumawag ng pagbabago at nagwakas ng kasamaan.
Pareho kaya ng pagkakahulma si Rizal at ako?
Isang taong tanyag sa kahit saang sulok ng mundo.
Tila ba ito’y isang ilusyon na malabong magkatoo.
Iisa ang natitiyak ko, siya at ako ay gusto ng pagbabago.
Tayong lahat ay may kakayahang maging bayani,
Hindi kinakailangan na ialay ang buhay para mapili.
Ginintuang aral ng ating bayani ay ituring na yaman,
Sapagkat minsan niyang ipinaglaban ang ating bayan.

Nagsisimula pa Lamang
by: Pahimakas
Bagama't walang bahagi sa himagsika’t koneksyon sa organisasyong iyon,
Si Rizal ay inaresto at nilitis ng militar para sa sedisyon.
Ang kanyang pagkamartir ay nakumbinsi ang mga Pilipino,
Kalayaan mula sa Espanya na walang alternatibo.
Namatay sa pagtanggi sa rebolusyon,
Naging hudyat naman ito ng kamatayan sa kolonyal na pamahalaan sa nasyon.
Kalayaan at demokrasya, tila dito na mananatili,
Sa wakas, natapos na ang kolonyal na krisis na di pumirmi.
Ipinaglaban niya ang kalayaan sa tahimik ngunit makapangyarihang paraan.
Sa pamamagitan ng pagsulat, si Rizal ay nakipaglaban.
Nagbigay liwanag sa maraming mamamayan.
Kamahalan at Dangal ang ipinagkaiba niya sa iba’y ang kanyang mga pamamaraan.
Ang mga huling salita niya’y “ consummatum est ,” ibig sabihin ay “tapos na.”
Ngunit ang tungkulin natin bilang Rizal ng bagong henerasyo’y nagsisimula pa lamang.
Kapalaran ng ating bansa sa ating mga kamay ay huwag nating kalimutan,
Pagkat gawain mo, nya at natin lahat ay malayo pa sa katapusan.